📷PAOCC Undersecretary Gilbert Cruz
MAHIGIT 300 ang illegal na Philippine offshore gaming operator (POGO) hubs sa buong Pilipinas, ayon kay Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) Undersecretary Gilbert Cruz.
Nag-o-operate aniya na tila gerilya ang mahigit 300 POGO hubs dahil wala silang lisensya mula sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR).
“Actually, ang naiwan pa po diyan is mga 300 plus na illegal POGO hubs and according sa PAGCOR, mga 48 or 49 lang yung nag register sa kanila at nagpa license po uli as IPL yung internet gaming license. The record of 300 plus, hindi na po nagpa-register ‘yan so actually last year pa po ata ‘yan na they are operating all without license,” sabi ni Cruz sa panayam sa programang StoryCon sa One News kahapon.
Tukoy na aniya ng PAOCC ang mga pangalan ng mga may-ari ng illegal POGO hubs dahil na rin sa registration ng mga ito sa Securities and Exchange Commission (SEC).
“We have the names and ‘yung SEC registration nila and doon po kasi malalaman natin kung sino yung mga nag re-represent, not necessarily po kasi nakikita natin agad yung may ari doon but those who represent the company nandoon naman po. Meron na po tayong pangalan,”paliwanag ni Cruz.
“May mga nakita po akong Chinese names and Filipino names,” dagdag niya.
Sa opinion ni Cruz, mas nakalalamang ang perwisyong dulot ng POGO kayasa benepisyo bunsod ng mga kaakibat nitong mga krimen sa loob at labas ng Pilipinas.
“Ang nakikita po namin dito, sa opinyon ko lang, yung negative na nagagawa ng POGO, it far outweighs yung benefits na pinangako po satin na dadalhin nyan na may trabaho, maganda ibibigay,” ani Cruz.
“Ang nakikita ko pong dinadala nito is more crimes and parang napapahiya po yung country natin, parang tayo po yung nagiging source ng mga nai-scam na kababayan po nila sa ibang bansa kasi yun po yung sinasabi sakin ng mga counterparts natin pag may mga meeting po kami. Dahil yung dati nilang maliit na crime rate, masyado pong tumaas dahil sa dami ng online scams na pinagmumulan po pag tinetrace nila, dito po satin nanggagaling,” giit niya.
Kahit aniya ang mga natatanggap na text scam ng mga Pinoy ay nagmumula sa illegal POGO hubs.
“Yes. Actually, some of our previous raids that we’ve done, halimbawa dito sa Makati, yung isang pinasok namin dyan, yung scam activity dyan ay loans cam so yung mga natatanggap nyo na messages na sinasabing ‘do you need loan’, doon po nanggagaling yan. Meron po kasi silang text blasts sir that can reach as far as 5 kilometers pag dumaan po kayo doon sa area na iyon.” (ROSE NOVENARIO)