Sat. Nov 23rd, 2024

📷Magdalo Group mass oathtaking sa Tierra Nova 3, Brgy. 171, Bagumbong, Caloocan City

NAPAG-IIWANAN sa Metro Manila ang lungsod ng Caloocan dahil binubulsa ang pera ng siyudad, ayon kay dating Sen. Antonio “Sonny” Trillanes.

“Alam nyo po ba sa buong Metro Manila,ang Caloocan na ang may pinakamaraming mahirap, pinakabulok ang kalye. Basura hindi kinokolekta, pinakamataas ang amilyar. Wala pong progreso para sa mga mamamayan,” sabi ni Trillanes sa mass oathtaking ng mga bagong miyembro ng Magdalo Group sa Tierra Nova 3, Brgy. 171, Bagumbong, Caloocan City noong Sabado, 15 Hunyo.

“Bakit ganun? Kasi binubulsa ang pera ng Caloocan. Alam nyo ba na two days ago, nag-birthday party ang mga Malapitan, magkano ginastos? Limang milyong piso. Birthday party ‘yan. Saan ba sila yumaman? Negosyante ba ang mga ito? Hindi ‘di ba? Pero nakakapag-pa-birthday ng ganoon kalaki. Pera po ninyo ‘yun,” paliwanag niya.

Sa pamumuno aniya ng kanyang grupong Magdalo at pakikipagtulungan ng mga residente ng Caloocan, maihahatid ang inaasam na pagbabago at matatamasa ang mga nararapat na mga serbisyong panlipunan.

Inihalimbawa ni Trillanes ang pagbibigay ng medical allowance para sa senior citizens, allowance para sa mga estudyante, pagbawas ng amilyar, pagbubukas ng mga dagdag na negosyo upang makalikha ng mga trabaho para maging daan na rin sa pagbabagong buhay ng mga masasamang loob.

“Iyan lang po ang pambungad natin, pero kailangan namin ang inyong tulong at tiwala. Pag-alis po natin dito ay ipamalita na po natin na malapit na pong dumating ang pagbabago at ang Magdalo ang mamumuno niyan,” hirit ng dating senador.

Inaasahang sasabak si Trillanes bilang mayoralty bet ng lungsod sa 2025 midterm elections. (ROSE NOVENARIO)

 

 

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *