Fri. Nov 22nd, 2024

📷Atty. Leila de Lima

Mariing tinututulan ng Partido Liberal ang naging deklarasyon ni dating Presidential Spokesperson Harry Roque matapos magbitiw ni VP Sara Duterte sa kanyang posisyon sa gabinete. Aniya, sa pagkalusaw ng Uniteam, si VP Sara na raw ang leader ng oposisyon.

Ito ang pahayag ni Atty. Leila de Lima, tagapagsalita ng Liberal Party, sa isang kalatas.

Ang tunay na oposisyon, aniya, ay may pundasyon ng accountability, transparency, at pagmamalasakit sa mamamayan–mga bagay na hindi makikita sa track record ni VP Sara.

“Sa kanyang pagbibitiw, wala namang naganap na pag-ako sa responsibilidad, o pagbabago ng mga prinsipyo at paninindigan. Paano naging oposisyon ang may pananagutang hanggang ngayon, sinisingil pa ng taumbayan?” wika ni De Lima.

Giit niya, higit sa lahat  ay taumbayan ang inuuna ng oposisyon at hindi ang pagpapalawak at pagpapanatili sa kapangyarihan.

“Hindi ang pagtatanggol sa wanted na religious leader o pagpatay sa libu-libong Pilipino. Lalo namang hindi ang pagbubulag-bulagan sa pang-aapi sa ating mga mangingisda at pang-aagaw sa ating teritoryo ng mga dayuhan.”

Binigyan diin ni De Lima na ang nangyari kahapon ay pag-amin lamang sa matagal nang alam ng karamihan: na palabas lang ang “unity” ng “uniteam.”

Maniobra lamang aniya ito noong panahon ng eleksiyon para makakuha ng suporta ng mga botante, at ngayon ay malinaw na may nagaganap na namang bagong pagmamaniobra.

“Sa panahon ng nagtataasang mga presyo, krisis sa edukasyon, at banta sa ating seguridad, tunay na paglilingkod at pangangalaga mula sa mga namumuno ang kailangan ng sambayanan. Nananawagan kami sa mga kinauukulan: unahin ang mga Pilipino, bago ang mga pansariling interes,’ pagtatapos ng LP spokesperson. (ZIA LUNA)

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *