Sat. Nov 23rd, 2024

đź“·Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte

MAGING ang mahigpit na kaalyado ng pamilya Duterte ay hindi nakaligtas sa maanghang na pagbatikos ni Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte.

Binatikos ni Baste ang aniya’y nakabibinging katahimikan ni Sen. Christopher Lawrence “Bong” Go sa serye ng “nakaaalarmang” insidenteng naganap sa Davao City.

Sa kanyang talumpati sa Maisug rally sa Angeles City sa Pampanga,  nanawagan si Baste sa kanyang “kumpare” na manindigan dahil ipinagkatiwala aniya ng mga Dabawenyo ang kanilang boto kay Go na maluklok bilang senador sa loob ng anim na taon.

“Ikaw Bong Go, Kumpare kita. Pero kung alam ko lang pala na magkakaganito, you know, yung mga nagboto, kaming mga Dabawenyo, nagboto kami sa’yo, Bong. Kung alam ko lang na ganito lang pala yung gagawin mo, sana hindi na lang,” sabi ng alkalde.

Matatandaan nag-ingay si Baste laban sa inilunsad na police operations para sa ikadarakip ng puganteng Kingdom of Jesus Christ founder Apollo Quiboloy sa mga ari-arian ng sekta sa Davao City.

Tinawag pang “overkill” ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang naturang raid kaya inulan siya ng kristisismo lalo na’t may kinakaharap siyang kasong crimes against humanity sa International Criminal Court (ICC) bunsod ng isinulong niyang madugong drug war na ikinasawi ng libu-libong Pinoy.

Ikinompara ni Baste si Go kay Sen. Risa Hontiveros na matatag ang paninindigan.

“Pero unfortunately for us, mas napabilib pa ako nitong si Risa Hontiveros kaysa ni Bong. Kasi ever since talaga, yung previous administration, kalaban niya, hanggang ngayon, consistent ‘yan at hindi talaga natatakot yan,” sabi ng batang Duterte.

“You have time to redeem yourself. You have time na ipakita sa amoa that you will stand by the Filipino people. So you love, yung pagmamahal mo sa bansa, mas umaapaw pa kaysa sa pagmamahal mo sa sarili mo kasi hirap na hirap na yung mga tao ngayon,” ani Baste patungkol kay Go.

Bilang tugon, sinabi ni Go na nauunawaan niya ang pinagmumulan ni Baste ngunit ang prayoridad niya sa kasakuluyan ay serbisyo publiko.

“As they say, there is always a time for everything. Kaya pagseserbisyo ang inuuna ko sa ngayon,” ayon kay Go.

“Ako ay patuloy na nagseserbisyo dahil ito ang aking mandato at natutunan mismo kay dating Pangulong Duterte,” dagdag niya.

“Tulad ng payo ni FPRRD sa akin mula noon hanggang ngayon: ‘Gawin ang tama, gampanan ang tungkulin sa bayan, at unahin ang interes ng mga Pilipino’,” giit niya. (ROSE NOVENARIO)

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *