📷Surigao del Norte 2nd District Rep. Robert Ace Barbers
MAAARING gamitin ng International Criminal Court (ICC) ang mga pagdinig ng quad-committee kaugnay sa mga illegal na aktibidad na may kinalaman sa Philippine offshore gaming operators (Pogos), illegal drug trade, at paglabag sa karapatang pantao.
Sinabi ni Surigao del Norte 2nd District Rep. Robert Ace Barbers na maaaring ma-access ng publiko ang mga record, kabilang ang transcripts ng diskusyon ng mga mambabatas at resource persons.
“Our hearings are public hearings. Since the nature of public hearings — because of public interest — therefore records of such hearings would be out in the public,” ani Barbers, chairman ng Committee on Dangerous Drugs.
“Anyone can use the transcript or maybe even records of the hearings. As to how they are going to use it, that is not within our realm. If the ICC would want to use this, it’s up to them, as these are public records,” dagdag niya.
Umalma si Barbers sa paratang ni Sen. Ronald “Bato” dela Rosa na ginagamit ng mga kongresista ang isyu sa politika.
Giit ni Barbers, nais lamang ng Kamara na lumabas ang katotohanan at maparusahan ang mga may kasalanan kaya nila isasagawa ang quad-committee hearing.
Matatandaan ilan sa mga naulilang pamilya ng madugong drug war ang naghain ng reklamong crimes against humanity laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte at ilang dating opisyal ng kanyang administrasyon sa ICC.
Giit ni Barbers, pumapayag silang gamitin ng ICC ang anomang record mula sa quad-committee hearings kung ito’y makatutulong sa pag-iimbestiga ng international tribunal sa Duterte drug war.
“If it would help them or not, it is up to them,” aniya.
Matatandaan unang nagsagawa ng pagdinig ang committee on dangerous drugs sa dalawang anti-drug operations sa Pampanga, kasama ang controlled delivery operation na ang illegal drugs mula sa Port of Subic ay natunton sa isang bodega sa bayan ng Mexico na pagmamay-ari ng Empire 999 Realty Corp.
Nabisto kalaunan na ang bodega ay pagmamay-ari ng Empire 999 Realty Corporation ni Willie Ong, at nang binusisi ng husto ng komite ay natuklasan na may kaugnayan ito kay Lincoln Ong, isa sa mga sangkot sa usapin ng Pharnally.
Habang ang committee on public order and safety ay nag-umpis ng pagsisiyasat sa operasyon ng Pogos at nabisto na ang isang ‘Dylan’, manggagawa, ay ibinenta ng isang kaibigang Chinese sa Pogo hub sa Bamban, Tarlac sa halagang P300,000.
Ilang pangalan na lumutang sa pagdinig ng committee on dangerous drugs ay sabit din umano sa operasyon ng Pogo. (ZIA LUNA)