Sun. Nov 24th, 2024

📷Manila 3rd District Joel Chua

NANAWAGAN ang isang kongresista kay Vice President Sara Duterte na mag-ingat sa pagbatikos sa pagbaha dulot ng bagyong Carina dahil sa loob ng 38 taong pamamahala ng pamilya Duterte ay nakararanas pa rin ng pagbaha sa Davao City sa kabila ng ibinuhos na mahigit P80 bilyong pondo para sa flood control project ng lungsod.

“Kung minsan, dapat medyo ingatan din natin kung ano iyong mga binibitawan natin dahil baka mamaya mag-boomerang po sa atin ito, iyong ganito pong mga issue,” sabi ni Manila 3rd District Rep. Joel Chua sa isang news forum.

Wala aniya sa tono ang kritisismo ni VP Sara lalo na’t mahigit dalawang taon pa lamang ang administrasyong Marcos Jr. pero ang administrasyong Duterte na naluklok ng anim na taon sa Palasyo ay walang naipatupad na flood control master plan.

“Alam po ninyo iyong administrasyon po ni Presidente, two years pa lang as compared doon sa previous administration. So, kung iyong sinasabi po niya na dapat sinunod iyong masterplan tungkol po dito sa flood control, ‘di sana po noong panahon po noong kaniyang ama, noong administrasyon po noong kaniyang ama, ‘di dapat sila po iyong unang sumunod,” paliwanag ni Chua.

Batay aniya sa record, ang Davao City ang binigyan ng pinakamalaking flood control budget, P51-B sa distrito pa lang ni Rep. Paolo Duterte habang ang isang distrito ng siyudad ay may P30-B naman.

“At kung iisipin po natin, kung titingnan din po natin based sa record po at ito naman po eh nailathala na sa ilang pahayagan, ang Davao po mismo ang beneficiary ng pinakamalaking flood control which is 51 billion sa isang distrito pa lamang. Kung pagsasamahin po natin iyong dalawang distrito sa Davao, parang kung hindi po ako nagkakamali, more than 80 billion – and yet, noong nagkaroon din po ng malakas na bagyo eh binaha din po iyong Davao. Kaya tingin ko, medyo uncalled for at saka unfair po iyong kaniyang statement po pagdating po dito,” giit niya.

“So, dapat po mas napaghandaan din nila iyon. And with the amount of money na binagsak po nila doon sa kanilang lungsod eh kailangan po… kung matatandaan po natin, iyong kapatid po niya, iyong Congressman at si Vice President po noong time po noong bumabaha iyon, si Vice President po ang alkalde o iyong mayor noong time na iyon. Kaya po tingin ko naman ay unfair kung ikukumpara iyon dito dahil sila iyong mas matagal eh, mas matagal silang nanungkulan – mayor, congressman at presidente iyong kaniyang ama so dapat doon pa lang mismo nasolusyunan na rin nila,” dagdag ng Manila solon.

“Kung hindi po ako nagkakamali, 1980s is vice president [vice mayor] na po si dating Pangulong Duterte dahil isang term lang iyon, naging alkalde na po siya at hanggang ngayon po, hindi naman po nila nabitawan ang Davao. So, consistent naman po iyong kanilang pamumuno doon and yet, nakita rin naman po natin kung ano po naging resulta.” (ROSE NOVENARIO)

 

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *