📷Sen. Joel Villanueva
NAGHAIN sina Senador Win Gatchalian at Senador Joel Villanueva ng panukalang batas upang pahintulutan ang mga Pilipinong may dual citizenship na pumasok sa mga pampublikong higher education institutions (HEIs) bilang mga guro, mananaliksik, o mga administrators.
Inaamyendahan ng Senate Bill No. 2733 ang Section 5 (3) ng Republic Act No. 9255 o ang ‘Citizenship Retention and Re-Acquisition Act of 2003.’ Sa ilalim ng naturang panukala, maaaring makapasok bilang mga mananaliksik, guro, at administrators ng mga pampublikong HEIs ang mga nagpanatili at bumalik sa kanilang Philippine citizenship nang hindi tinatalikuran ang panunumpa ng katapatan sa ibang bansa.
Sa ilalim kasi ng Republic Act No. 9255, maaaring mahirang sa public office ang mga nagpanatili or nag-re-acquire ng kanilang Philippine citizenship kung manunumpa sila ng katapatan sa Republika ng Pilipinas at tatalikuran nila ang panunumpa ng katapatan sa ibang bansa. Bagama’t nagbukas ito ng oportunidad sa marami, nananatili itong sagabal sa mga nais maging guro, mananaliksik, at administrator sa bansa dahil kailangan pa rin nilang talikuran ang panunumpa nila ng katapatan sa ibang bansa.
Ayon kay Gatchalian, maaaring dumami ang mga internationally competitive na mga faculty members sa bansa kung mawawala ang kasalukuyang restriction na ito. Aniya, makatutulong itong matugunan ang mga isyu sa global ranking mga pampublikong HEIs at ang nababawasang bilang ng mga gurong papasok sa bansa.
Batayan ng Times Higher Education World University Rankings at ng QS World University Rankings ang international faculty ratio sa pagsusuri at ranking ng mga pamantasan. Aabot sa 2.5% ang katumbas na timbang ng international faculty, hindi kabilang ang mga visiting professors. Paliwanag ni Gatchalian, makatutulong ang paghirang ng mga foreign faculty sa pagtaas ng world rankings ng mga pampublikong HEIs sa bansa at enrollment ng international students.
“Sa gitna ng patuloy nating pagsulong ng internationalization sa sektor ng edukasyon, napapanahon nang buksan natin ang ating mga pampublikong kolehiyo at mga pamantasan sa mga kababayan nating may mga dual citizenship. Magiging oportunidad ito para madagdagan ang bilang ng mga gurong handang magbahagi ng kanilang kaalaman at karanasan mula sa ibang bansa,” ani Gatchalian, Co-Chairperson ng Second Congressional Commission on Education at Chairman ng Senate Committee on Basic Education. (NINO ACLAN)