ISANG halimbawa ng katawa-tawang politiko si Sen. Ronald “Bato” dela Rosa na ginagamit ang mga isyu ng pambansang soberenya at karapatang pantao kapag nababagay sa kanila.
Buwelta ito ng human rights group na Karapatan sa naging privilege speech ni Sen. Ronald “Bato” dela Rosa na nanawagan sa Kongreso na magbalangkas ng isang batas na nagbabawal sa Pilipinas na makipagtulungan sa International Criminal Court (ICC),
Si dela Rosa pati sina dating Pangulong Rodrigo Duterte at iba pang naging mataas na opisyal ng Philippine National Police (PNP) ay itinuturing na suspects ng ICC sa reklamong crimes against humanity kaugnay sa ipinatupad nilang madugong drug war na kumitil sa buhay ng libu-libong mga Pinoy.
Nagbanta rin si dela Rosa na posibleng may maganap na “constitutional crisis” kapag isinilbi ang ICC arrest warrant laban sa kanila.
Giit ng Karapatan, hindi tumatawa ang human rights groups at mga biktima ng paglabag sa karapatang pantao dahil ang hustisya ay nananatiling mailap para sa mga biktima ng EJKs.
Ang pag-ilag ni Bato sa imbestigasyon ng ICC at pananagutan sa extrajudicial killings sa drug war ay pagdistansya sa mismong drug war na buong kahambugan niyang ipinatupad noong rehimeng Duterte.
Sinabi ni Atty. Ernelson Trojillo, imposibleng mangyari ang isang constitutional crisis dahil walang kinalaman ang lehislatura sa krimen na kinasangkutan ni dela Rosa.
Wala rin aniyang immunity sa alinmang asunto ang isang mambabatas kaya’t dapat niyang harapin ang anomang kasong isasampa laban sa kanya nang hindi kinakaladkad ang lehislatura para ibangga sa ehekutibo na nagpapatupad ng batas.
Mismong ang Korte Suprema rin aniya ang nagpasya na habang miyembro pa ng Rome Statute ang Pilipinas ay may obligasyon na makipagtulungan ang gobyerno sa isinasagawang imbestigasyon ng ICC.
Nauna rito’y nilinaw ni dating Sen. Antonio “Sonny” Trillanes IV na nakasaad sa Republic Act 9851 o ang Philippine Act on Crimes Against International Humanitarian Law, Genocide, and Other Crimes Against Humanity ,Section 17, na kapag nag-iiimbestiga na ang international court sa akusadong nasa Pilipinas, kailangan isurender siya ng pamahalaan. (ROSE NOVENARIO)