NANINIWALA si Sen. Christopher “Bong” Go na Pilipino ang dapat humusga sa mga kasong may kaugnayan sa madugong drug war na isinulong ng administrasyong Duterte at hindi mga dayuhan.
Sinabi ito ni Go kasunod ng pag-aproba ng Committees on Justice at Human Rights sa Mababang Kapulungan sa tatlong resolusyon na nag-uudyok sa administrasyong Marcos Jr. na makipagtulungan sa International Criminal Court (ICC) sa pag-iimbestiga sa Duterte drug war.
Tiniyak ni Go na iginagalang niya ang naturang mga resolution at hintayin na lang ang pasya ni Marcos Jr. sa usapin.
“So, hintayin na lang po natin kung ano po ‘yung magiging desisyon ng Philippine Government sa pamumuno ni Pangulong Bongbong Marcos. Nirerespeto rin po natin ang House of Representatives, sa kanilang resolution expressing the sense of the Congress on the matter,” sabi niya.
“Kami naman dito sa Senado, kung magkakaroon man ng pagdidinig o iba’t ibang resolution, nirerespeto rin po natin,” dagdag niya.
Suportado ng senador ang paninindigan ni Sen. Ronald “Bato” dela Rosa na dapat ay mga Pilipino ang humusga sa kanya bilang isa sa mga akusado sa crimes against humanity sa ICC kasama ni dating Pangulong Rodrigo Duterte at iba pang dating opisyal ng kanyang administrasyon.
Para kay Go, ang dapat tanungin sa epekto ng Duterte drug war ay mga pangkaraniwang Pinoy na naranasan umanong makalakad ng ligtas sa mga lansangan bunsod ng giyera kontra illegal drugs.
Sa tala ng pamahalaan, may 6,000 – 7,000 katao ang napatay sa Duterte drug war habang ayon sa human rights groups, umabot hanggang 30,000 ang biktima ng extrajudicial killings dulot ng kampanya. (NINO ACLAN)