Thu. Nov 21st, 2024

NAGMARTSA ang iba’t ibang progresibong grupo at nagdaos ng programa sa Kalaw Ave. malapit sa US Embassy sa Maynila bilang paggunita sa ika-160 kaarawan ni Gat Andres Bonifacio.

Pinangunahan ito ng BAYAN – Bagong Alyansang Makabayan, Karapatan, Piston: Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide, Kilusang Mayo Uno, Kilusang Magbubukid ng Pilipinas – KMP, atbp.

“Pinagpugayan ng mga grupo ang rebolusyong isinulong ni Bonifacio na siyang naging binhing diwa upang labanan ang imperyalismo. Inihambing ang kasalukuyang kalagayan ng sambayanang Palestino sa pangangailangang makamit ang pambansang soberanya mula sa kamay ng Israel na tuta ng Estados Unidos,” sabi ng Sama-samang Artista para sa Kilusang Agraryo (SAKA).

Bitbit din ang mga panawagan ng pagtaas ng sahod, pababa ng presyo, pagbasura sa modernisasyon ng dyip, at pagtigil sa mga atake sa mga progresibo sa panahong tumitindi ang krisis sa Pilipinas.

Sinabi ni Danilo Ramos, tagapangulo ng KMP, iisa ang panawagan ng mga food producers na palakasin ang lokal na produksiyon subalit tanging mga neoliberal na polisiya, importasyon, at panunupil ang tugon ng rehimeng Marcos-Duterte.

Dagdag pa niya, naghahasik ng terorismo ang rehimen sa kanayunan sa patuloy na pagbobomba sa mga komunidad at panreredtag sa lehitimong laban ng mga magsasaka sa tulak ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).

Matapos ang programa sa Kalaw ay nagmartsa ang hanay kaanib ang United Workers Alliance patungong Mendiola at naglunsad ng programa sa tarangkahan ng Palasyo. (Ulat at mga larawan mula sa SAKA Facebook page)

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *