Thu. Nov 21st, 2024
Sen. Ronald “Bato” dela Rosa

INAMIN ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa na masama ang loob niya kay Senadora Risa Hontiveros sa ginawa nitong paghahain ng resolusyon na humihikayat sa Malakanyang na makipagtulungan sa International Criminal Court (ICC) sa pag-iimbestiga sa madugong Duterte drug war at human rights situation sa Pilipinas.

Ayon kay Dela Rosa inaasahan na niya si Hontiveros na maghahain subalit hindi niya sukat akalain na kanyang gagawin ito.

“Of all the people, siya talaga. At meron naman kaming personal relationship, ‘di ba? Anyway, baka sabihin niya trabaho lang, walang personalan. Then sa akin, that’s very personal. Kahit na sabihin mong trabaho mo ‘yan, that’s very personal to me because I am one of the subjects, ‘di ba, na iimbestigahan. So that has become personal to me,’ sabi ni Dela Rosa.

Tiniyak ng mambabatas na hindi siya mangangampanya sa kanyang kapwa senador upang hindi suportahan ang resolusyon ni Hontiveros.

Aniya tiwala siya at alam naman niya ang damdamin ng kanyang kapwa senador ukol sa usapin ng ICC.

Tinukoy ni Dela Rosa na dalawang resolusyon na din ang naihain sa Senado na laban sa ICC subalit hanggang sa kasalukuyan ay nakabinbin lang sa komite.

Tiwala siya kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., na hindi ito bukas para sa pagpasok ng ICC sa ating bansa.

Giit ni dela Rosa na hindi naman basta-basta mapapasa ang resolusyong inihain ni Hontiveros dahil sa ito ay dadaan sa proseso.

Sa pagharap ng dalawa sa session sa Senado ay kitang-kita kay Dela Rosa na naging malamig siya sa pakikipag-usap kay Hontiveros.

Imbes si Dela Rosa ang lumapit kay Hontiveros ay ang senadora pa at habang nakikipag-usap si Hontiveros ay tango at iling lang ang tugon ng senador. (NINO ACLAN)

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *