Nanindigan si Senador Win Gatchalian na itutuloy ng Senado ang pagsasampa ng kasong kriminal laban kay Guo Hua Ping, na kilala rin bilang Alice Guo, para sa perjury at para sa kanyang patuloy na pagsuway sa subpoena ng Senado, sa kabila ng mga ulat na naka-alis na siya ng bansa.
Kahit na nakaiwas sa awtoridad ang natanggal na alkalde, sinabi ni Gatchalian na sisiguraduhin niyang mananagot ang mga tumulong sa pagtakas ni Guo.
“Ito ay isang sampal sa Bureau of Immigration, sa Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP), at kung sinuman ang incharge na airport manager. Hindi ka basta-basta makakalakad sa isang paliparan nang hindi ka nade-detect at hindi ka makakalagpas sa airport kung wala kang dokumento. Kailangan mong dumaan sa immigration na pinapaligiran ng maraming CCTV. Maraming mga ebidensya sa bawat galaw sa loob ng paliparan hanggang sa makasakay ng eroplano,” sabi ni Gatchalian.
Gayunpaman, binigyang-diin niya na ang pagtakas ni Guo ay hindi dapat humadlang sa pag-usig ng gobyerno sa kanya. “Ito ay isang temporary setback para sa bansa pero dapat ituloy ang mga kaso. Siya ngayon ay nahaharap sa maraming kaso. Lumiliit na ang kanyang mundo kaya hindi malayong mahuli na rin siya,” sabi ng senador.
Binigyang-diin ng mambabatas na ang mga maling pahayag habang nasa ilalim ng panunumpa ay paglabag sa Article 183 ng Revised Penal Code. Gayundin, ang pagtanggi ni Guo na dumalo sa mga pagdinig ng Senado ay paglabag sa Article 150 ng Revised Penal Code na nagpaparusa sa mga sumusuway sa imbitasyon ng Kongreso na dumalo sa mga pagdinig. Matatandaang nag-isyu na ang Senado ng arrest order laban kay Guo at iba pang indibidwal dahil sa pagtanggi nilang dumalo sa mga pagdinig na isinagawa ng Committee on Women, Children, Family Relations at Gender Equality.
“Hindi sapat na ipagbawal natin ang mga POGO. Kailangan nating tiyakin na ang mga responsable sa mga krimen ay mananagot sa kanilang mga aksyon. Dapat managot at mahalagang makasuhan ang mga taong nasa likod ng mga krimen na kinasasangkutan ng mga POGO,” pagtatapos ni Gatchalian. (NINO ACLAN)