Pahayag ni Teddy Casiño
Tagapangulo, Bagong Alyansang Makabayan
Agosto 21, 2024
Magandang umaga po sa lahat!
Maraming pong salamat sa pagpunta ninyo dito ngayong araw, lalu na yung mga nag-absent sa trabaho at klase. Pasensya na po at hindi namin inasahan na ililipat ang Ninoy Aquino Day sa Biyernes.
Pinili ko po ang makasaysayang araw na ito, sa harap ng bantayog ng mga martir at bayani ng paglaban para sa kalayaan, katarungan at katotohanan, upang ipaalam sa inyo ang aking desisyon kaugnay ng pagtakbo bilang senador sa darating na halalan.
Tulad ng marami sa aking henerasyon, ang pagpaslang kay Ninoy Aquino noong August 21, 1983 ang nagmulat sa akin sa katotohanan na ang pagkakaisa at sama- samang pagkilos ng taumbayan ang magwawakas sa tiraniya at magbibigay daan sa mas malayang lipunan.
Mula noon, dalawang pag-aalsang EDSA, 13 eleksyon, at di mabilang na rali at protesta na ang ating nalahukan. Pero nandito pa rin tayo at nakikibaka. Kung mayroon man akong natutunan, ito ay hindi natatapos ang laban. Marami pang dapat gawin para maabot ang ating mga mithiin para sa bayan.
Ano nga ba ang minimithi natin?
Lahat tayo ay nangangarap na maging malaya sa laganap na gutom at kahirapan.
Na magkaroon ng abot-kaya at masustansyang pagkain galing sa ani ng sarili nating mga magsasaka.
Ng marangal na hanapbuhay at makataong sahod na mula sa sarili nating mga industriya upang hindi na kailangang magpaka-alila ang ating mga kababayan sa ibayong dagat.
Hangad natin ang maayos at malinis na pamamahala. Maalis ang pagnanakaw at iba’t pang pagwawaldas sa kaban ng bayan at mabigyan ng prayoridad ang disenteng trabaho, edukasyon, kalusugan, at pabahay.
Ang gusto natin, kapag sinabing may natapos nang 5,500 na flood control projects, hindi na lulubog sa baha tuwing umuulan ang napakaraming komunidad.
Nais nating kilalanin ang ating mga karapatan at dangal, isang gobyernong nakikinig sa atin at nagtatanggol sa ating pagkatao, hindi nangunguna sa pagyurak nito.
Nais natin ng bansang kayang tumayo at depensahan ang sarili, na hindi pinagsasamantalahan o inaabuso ng mga dayuhan.
Kapag may kalayaan, demokrasya at hustisya, makakamit natin ang tunay na kaunlaran at pangmatagalang kapayapaan.
Alam kong hindi ako nag-iisa sa ganitong mga pangarap. Tayong lahat ay naghahangad ng kabutihan ng bayan.
Ngunit paano natin makakamit ang magagandang mithiin na ito kung ang ating gobyerno ay kontrolado ng mga political dynasty, elitistang opisyal at mga kasabwat nilang malalaking negosyante, asendero at imperyalistang dayuhan?
Kung binabalewala at sinisikil ang boses at interes nating mga karaniwang tao sa pamahalaang dapat ay mula sa tao at para sa tao?
Partikular sa Senado, ang kailangan mahalal ay mga kinatawan ng taumbayan. Huwag na nating payagan ang mga mag-ina, magkakapatid, at magkakamag-anak na gawing family business ang Senado. Huwag na nating iboto ang mga kandidato dahil lang sa kanilang kasikatan o kahandaang maging alipores ng ibang nasa poder.
Hindi natin kailangan mamili sa pagitan ng administration ticket ng dinastiyang Marcos at bogus na opposition ticket ng dinastiyang Duterte. Pare-parehong lang silang nagdadala ng bulok na pulitika.
Kung ibig nating magkaroon ng boses ang taumbayan sa Senado, kailangan nating pagsikapang maluklok ang mga progresibong lider na may mahabang track record ng pagiging makabayan at makamasa. Ang ilan sa kanila’y nagpahayag na ng kahandaang tanggapin ang hamon:
Si congresswoman France Castro mula sa hanay ng public school teachers.
Si congresswoman Arlene Brosas mula sa kilusang kababaihan
Si Jerome Adonis, mula sa kilusang unyon ng mga manggagawa.
Si dating congresswoman at NAPC chairperson Liza Maza, mula rin sa hanay ng kilusang kababaihan at mga migrante.
Si Ronnel Arambulo, mula sa hanay ng maliliit na mangingisda.
At, sa araw na ito, idagdag n’yo na rin ang pangalang Teddy Casiño. Malugod ko pong tinatanggap ang hamon ng Makabayan Coalition. Sa darating na halalan, sa ikalawang pagkakataon, tatakbo ako para senador.
Tatakbo ako para itaguyod ang ating mga pangarap sa bayan. Bilang dating three term congressman ng Bayan Muna, siyam na taon po akong naging kinatawan ng mga mahihirap at api sa Kongreso. Ito rin ang gagawin ko kapag nahalal na senador.
Ang hiling ko po sa mamamayang Pilipino, suportahan ang buong tiket ng Makabayan. Asahan n’yong ipaglalaban namin ang inyong interes at kagalingan sa Senado. Itakwil na natin ang mga political dynasty at mga pulitikong korap, elitista at traydor sa bayan. Panahon na ng tunay na pagbabago. Sa darating na halalan, taumbayan naman sa Senado!
Maraming salamat po. Mabuhay ang sambayanang Pilipino!