NANAWAGAN ang militanteng grupong Kilusang Mayo Uno (KMU) sa pagtanggal sa puwesto kay Vice President Sara Duterte matapos mabisto sa Commission on Audit (COA) Notice of Disallowance ang paglulustay ng pondo ng bayan noong 2022 na tinawag ni ACT Teachers Rep. France Castro bilang isang impeachable offense.
Ang ulat ng COA ay tumukoy sa P73 milyon sa kabuuang P125 milyong confidential funds na ibinigay sa Office of the Vice President in 2022.
Ayon sa COA report ng COA, ang nasabing halaga ay ginasta para sa paniniktik sa loob ng 11 araw sa 132 lugar.
Ang P73-M na hindi pinahintulutan ng COA ay ginugol sa pagbabayad ng pabuya at ipinambili ng furniture at computer equipment.
“Harapang pagkagarapal ni VP Pusit ang paghuhurumentado sa hearing sa Kamara para pagtakpan ang malawakan niyang paglustay sa pondo ng bayan. Aanhin ng taumbayan ang surveillance, safe house at kung anuman itong “various goods” na sinasabi niya? Imbis na pondo sa kapakanan ng bayan, kinukurakot at ginagamit pa sa karahasan!” sabi ni Makabayan senatorial bet KMU secretary general Jerome Adonis sa isang kalatas.
Giit ni Adonis, ang pambansang budget ay dapat ilaan upang paglingkuran ang mga pangkaraniwang mamamayan at ang malaking bahagi nito’y dapat gugulin para sa serbisyong panlipunan tula ng pagtatayo ng mga silid-aralan, paggawa ng regular na trabaho at paunlarin ang lokal na produksyon ng agrikultura.
Sa halagang P125-M ay kaya nang magpagawa ng 63 classrooms na nagkakahalaga ng P2-M bawat isa, ani Adonis.
“63 na klasrum ang pinagkait ni Sara Duterte sa mga kabataan dahil sa paglulustay niya. Hindi na lang bwisit sa pusit, nagpupuyos sa galit ang sambayanan kay Inday Sara Gastadora at sa lahat ng naglulustay ng buwis ng sambayanan. Dapat panagutin at alisin sa pwesto ang lahat ng walang silbi, korap, abusado sa gobyerno,” dagdag ni Adonis.
“Hindi si VP Sara ang una, at hindi rin siya ang huli. 2.06 trilyong piso ang kabuuang Presidential Pork Barrel ni Bongbong Marcos na nakasuksok sa iba’t ibang item ng National Budget – sa imprastruktura, sa confidential and intelligence funds, sa special programmed funds at unprogrammed appropriations,” aniya.
Tinawag ng KMU ang panukalang 2025 national budget bilang “war chest for electioneering and patronage politics,” na ang mga nagtutunggaliang paksyon ay ay naglalayong patatagin ang kanilang kapangyarihang pampulitika.
“Mga kababayan, lalo pa nating paingayin ang mga protesta para ipagtanggol ang pondo ng bayan na galing sa ating buwis, dugo at pawis! Huwag nating isuko sa mga gahaman ang ating pinagpawisan! Korap at abusado, alisin sa pwesto!” (ZIA LUNA)