Sat. Nov 23rd, 2024
Sen. Jinggoy Estrada

NANINDIGAN si Senate President Pro-Tempore Jinggoy Estrada na hindi siya natatakot na magmulta ng maraming beses makatulong at madamayan man lamang niya ang kanyang mga kababayan sa San Juan na lubhang naapektuhan ng bagyong Enteng.

Ito ay kasunod ng pagpapalabas ng pamunuan ng San Juan ng ordinansa na kailangan munang humingi ng permit mula sa tanggapan ng alkalde para sa sinumang magsasagawa ng tulong sa mga mamamayan nila kung hindi ay magmumulta ng limang libong piso.

Binatikos ito ni Estrada at sinabing wala siyang nalalamang nakapaloob sa Saligang Batas na kailangan pang humingi ng permit ang sinumang  tutulong sa mga residente ng isang lokal na pamahalaan.

Naniniwala si Estrada na dahil sa panuntunang ito, imbes mahikayat ang mga taong mayroong kakayahang tumulong ay aatras na lamang.

Sa halip aniyang mapadali at agarang maihatid ang tulong sa mga taong nangangailangan sa oras ng sakuna ay maghihintay pa sila ng matagal.

Hindi naman direktang tinukoy ni Estrada ngunit ang kasalukuyang alkalde ng San Juan na si Mayor Francis Zamora ay katunggali ng kanilang pamilya sa politika kaya’t tila mayroong halong politika ang naturang panuntuan.

Magugunitang minsan nang hinarang ng mga tauhan ng lungsod ang grupo ni Estrada sa pagbibigay ng tulong at pagdamay sa mga mamamayan ng San Juan.

Giit ni Estrada, regular na ginagawa ng kanilang pamilya ang mag-abot ng tulong sa kanilang mga kababayan sa oras ng kalamidad at kahit sa ibat-ibang panig ng Pilipinas.  (NINO ACLAN)

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *