📷OPAPRU Secretary Carlito Galvez Jr.
SINALUNGAT ni Presidential Adviser on Peace, Reconciliation, and Unity Secretary Carlito Galvez Jr ang naging pahayag ni National Security Adviser Eduardo Año na hindi niya nakikitang matutuloy ang usapang pangkapayapaan.
Sa isang press briefing sa Palasyo kahapon ay kinompirma ni Galvez na nagpapatuloy ang exploratory talks sa pagitan ng Government of the Republic of the Philippines (GRP) at National Democratic Front of the Philippines (NDFP).
Binigyan diin pa ni Galvez na “very optimistic” o positibo ang rehimeng Marcos sa pagtutuloy ng usapan.
Ayon sa Communist Party of the Philippines (CPP), sa nakaraang buwan ay animo’y nag-uurong-sulong ang GRP sa komitment nito sa usapan.
“Sa isang presss conference noong Agosto 19, sinabi ni National Security Adviser Eduardo Año na hindi niya nakikitang matutuloy ang usapang pangkapayapaan dahil sa aniya’y “pagtutol sa lokal na antas” laban sa pagtatakwil sa armadong pakikibaka,” sabi ng CPP sa isang kalatas.
Anang CPP, kinondena ng mga rehiyunal na opisina ng NDF at mga command ng New Peoples’s Army ang pahayag na ito, at tinawag si Año bilang numero unong tagasabotahe ng usapan.
Binatikos din ng CPP ang layunin ng rehimeng US-Marcos na pasukuin ang mga rebolusyonaryong pwersa sa pamamagitan ng usapan.
Pinabulaanan ng partido ang paratang ni Año na “di nagkakaisa” ang mga rebolusyonaryong pwersa, at sinabing nagkakaisa ito mula pambasang pamunuan hanggang sa mga pinakabatayang organisasyon sa lokalidad sa pagpasok at paglahok sa peace talks. (ROSE NOVENARIO)