SANTAMBAK ang dapat sagutin ni Vice President Sara Duterte kaugnay sa confidential funds ng Office of the Vice President at pondo ng Department of Education kaya’t dapat na niyang tigilan ang paglihis ng atensyon ng publiko at paghabi ng ilusyong alyansang Makabayan-Romualdez-Marcos.
Pahayag ito ng Makabayan sa Kongreso na binubuo nina ACT Teachers Partylist Rep. France Castro, Gabriela Women’s Partylist Rep. Arlene Brosas at Kabataan Partylist Rep. Raoul Manuel bilang pagtuligsa sa “conspiracy theory” na inilalako ni Duterte para makaiwas sa mga isyung dapat niyang harapin sa susunod na budget briefing sa Setyembre 10.
“It is imperative to set the record straight: no such alliance exists. Rather than resorting to these squid tactics, Vice President Duterte should directly and truthfully respond to the questions to be raised during the interpellations on her office’s next budget briefing scheduled for September 10. She is expected to attend and explain to the committee how public funds were used,” anang Makabayan bloc sa isang kalatas.
Itinampok na anila sa Notice of Disallowance ng Commission on Audit (COA) ang paglustay sa P125 milyong confidential funds ng Office of the Vice President noong Disyembre 2022.
Hiniling na rin ng state auditor na ibalik ang P73 milyon sa kaban ng bayan dahil napakalaking paggastos ito sa loob lamang ng 11 araw para sa mga aktibidad na paniniktik sa 132 lugar.
Maliban rito ay nabatid din sa 2023 COA audit report sa DepEd , ang huling taon ni Duterte bilang kalihim ng kagawaran, ang mga notice of suspension sa P10.1 bilyon; notices of disallowance sa kabuuang P2.2 bilyon, at notices of charges sa halagang P7.38 milyon bunsod ng hindi pagsunod sa umiiral na mga batas at regulasyon sa ipinatupad na mga proyekto sa DepEd.
Iniulat din anila ng COA ang naipon na unliquidated cash advances na kundi man hindi awtorisado ay walang tiyak na layunin na umaboy sa halos P7 bilyon na paglabag sa COA rules.
“Vice President Duterte must answer the extreme under utilization of the Department of Education budget while she had 100% utilization of confidential funds,”anang Makabayan.
Ang DepEd sa ilalim ni Duterte ay napaka-atrasado kung kaya’t mayroon itong napakababang mga nagawa, gaya ng may 208 na silid-aralan lamang ang naayos mula sa kanilang sariling target na 7,550 at 3 Last Mile Schools lamang ang naitayo mula sa kanilang target na 88.
Ayon din sa parehong ulat ng COA, ang DepEd ay mayroon ding isang “zero-accomplishment rate” sa computerization project nito “dahil sa kawalan ng kakayahan ng (central office) na kumpletuhin ang proseso ng pagkuha para sa 2023.
May mga naantalang delivery ng laptops para sa mga guro at ang posibleng displainghadong bidding para sa DepEd computerization program na maaaring nalugi ang gobyerno ng halos P1.6 bilyon sa ginawang re-bidding.
Maging ang P5.6 bilyong DepEd feeding program ay may isyu rin na ang mga dineliber na nutribuns ay may amag at insekto habang ang mga gatas ay panis na.
Binigyan diin ng Makabayan bloc na ang paglulustay ng pondo ng bayan ng OVP at ng DepEd ay isang kasalanan na maaaring magbigay daan sa pagpapatalsik kay Duterte lalo na’t Malala ang kakulangan sa pondo para sa serbisyong panlipunan.
“Vice President Duterte’s refusal to answer legitimate questions regarding her budget spending demonstrates a disregard for the principles of transparency, accountability, and the constitutional duties she swore to uphold. The misuse of public funds of the OVP and DepEd is an impeachable offense, particularly given the severe lack of funding for social services,” anang Makabayan bloc.
Giit ng mga progresibong kongresista, ginagampanan nila ang tungkulin na busisiin ang budget ng bawat kagawaran at ahensya upang matiyak na ginagastos ng tama ang pera ng bayan, kasama rito ang pag-ukilkil sa budget ng Office of the President.
“We are also among the most prolific lawmakers in the House of Representatives with hundreds of pro-people bills and other legislative measures filed.”
Kabalintunaan anila para sa isang tao na magsabi sa mga mambabatas ng ‘magtrabaho muna’ kapag siya ay may zero accomplishment rate para sa DepEd computerization program, 3% lamang ng kanyang target na mga silid-aralan ang naitayo, P9.6B halaga ng mga laptop na naantala ng maraming taon at ang kanyang mga nutribuns para sa pagpapakain sa mga bata ay lipas na. o inaamag.
“So, enough with VP Duterte’s squid tactics, we demand accountability. It is the right of the people to know how their money was spent, and it is our duty to ensure that public officials do not betray their trust as this becomes an impeachable offense.” (ROSE NOVENARIO)