NANINIWALA si Senate President Juan Miguel Zubiri na wala ni isa man sa Senado ang nagbibigay ng impormasyon ukol sa usapin sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.
Ang pahayag ni Zubri ay kaugnay sa naging pagbubunyag ng isa sa mga host ng isang istasyon na ang kaniyang impormasyon ukol sa ginastos na travel expenses ni House Speaker Martin Romuladez ay mula sa isang empleyado ng Senado.
Iginiit ni Zubiri na mananatiling isang intriga lamang ang pagbubunyag ng naturang host hanggang hindi niya sinasabi ang pangalan ng naturang empleyado.
“Until the concerned resource speaker names a Senate employee, there is no reason to believe that these allegations are anything more than intrigues being sown to create controversy and fake news,” ani Zubiri.
Binigyang-linaw pa ni Zubiri na mahalaga sa Senado ang tinatawag na interparliamentary courtesy at ayaw ng senado na magkaroon ng gusot sa pagitan ng lider at miyembro ng dalawang kapulungan ng Kongreso.
“I would suggest that the House continue their investigation until they get to the bottom of this accusation, and press for the concerned person to reveal the name of their alleged source from the Senate. Otherwise, the House can cite them in contempt,” dagdag ni Zubiri.
Tiniyak din ni Zubiri na sa sandaling mapapatunayan na ang source ng impormasyon ay isa ngang empleyado ng Senado ay tiyak na aaksyun at magbibigay ng karampatang disciplinary action ang senado. (NINO ACLAN)