ITINAKDA ng Quezon City Prosecutor’s Office ang preliminary investigation sa kasong kriminal na isinampa ni ACT Teachers partylist Representative France Castro laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa Disyembre 15 nang hindi sumipot ang dating presidente sa unang PI sana kanina.
Tanging mga abogado lamang ni Duterte ang nagpunta sa piskalya ng QC dahil wala umanong natanggap na subpoena o reklamo ang dating pangulo.
“Preliminary investigation was rescheduled to December 15, 2:30 p.m, same venue. Respondent Duterte is ordered through the same subpoena to personally appear and file his counter-affidavit,” sabi ng kampo ni Castro sa ulat ng INQUIRER.net.
Nag-ugat ang reklamong Grave Threat sa ilalim ng Article 282 ng Revised Penal Code at Section 6 ng Cybercrime Prevention Act of 2012 na isinampa ni Castro laban kay Duterte noong Oktubre 24..
Tinukoy sa reklamo ang mga pahayag ni Duterte sa kanyang programang Gikan sa Masa, Para sa Masa Program sa SMNI noong 11 Oktubre 2023 na ikinuwento niya ang kanilang pag-uusap ng kanyang anak na si Vice President Sara Duterte kaugnay sa plano nitong gamitin ang confidential funds upang ibalik ang Reserve Officers’ Training Corps. (ROTC) program.
“But your first target there, using your intelligence funds, is you, France, you communists who I want to kill. I asked her to tell them that, but she refused, saying, ‘You know Pa, if I did that, they might harass the PMTs [Philippine Military Training institutions],’” dagdag niya.
Sa supplemental affidavit na isinumite ni Castro sa piskalya ay tinukoy niya ang panibagong pahayag ni Duterte sa kanyang programa noong Nobyembre 16 hinggil sa napabalitang planong impeachment laban sa kanyang anak at pag-red tagged sa mambabatas.
“Kaya ikaw, France, how do you solve the problem now? Kaya ‘yun statement ko ‘yun komunista dapat patayin, kasali ka, dapat!” ani Duterte.
Para kay Castro hindi dapat balewalain ang mga pagbabanta ni Duterte.
“To reiterate, the red-taggings hurled by Respondent Duterte should not be taken lightly nor be dismissed as plain, meaningless utterance,” sabi ng solon.
“In fact, straightforwardly addressing me by his very words, ‘Yun komunista dapat patayin, kasali ka, dapat,’ he undeterredly stated with strong conviction that, being allegedly communist, I must be killed,” dagdag niya. (ZIA LUNA)