HINDI dapat idamay ang usaping pananampalataya sa karumal-dumal na pagbobomba sa Mindanao State University (MSU) noong Linggo dahil ito’y isang terrorist attack, ayon kay Sen. Robinhood “Robin” C. Padilla.
Sa kanyang manifestation sa Senate plenary kanina, ikinalungkot ni Padilla ang paratang lalo na sa social media na ang trahedya ay diumano’y away ng Muslim at Kristiyano.
“Ang gusto ko lamang po huling sabihin mga mahal kong kasama ang pasasalamat sa inyong lahat na inyong niliwanag na wala pong kinalaman ang Islam dito. Ito po ay mga terorista at kailanman hindi po sila ang representation ng mga Muslim,” aniya.
“Hindi po ito kailanman matatanggap ng mga Muslim na ito po ay kasama sa aming pananampalataya dahil malinaw po sa Koran na sinasabi, ang pumatay ka ng taong walang kasalanan ay para mo nang pinatay mo ang buong daigdig,” dagdag ng mambabatas.
Ipinunto rin ni Padilla na kailangang protektahan ang sibilyan, lalo ang kabataan, sa “dayuhang ideolobhiya” na sumusulong ng terorismo. Aniya, ilan sa mga napatay sa engkwentro sa Cotabato ay nalinlang ng ganoong ideolohiya.
Aniya, kailangang kumilos ang Marawi Compensation Board at Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity (OPAPRU) para tiyaking ang mga biktima ng 2017 Marawi Siege at mga rebel returnees ay makatatanggap ng tulong na ipinangako ng pamahalaan, para hindi na sila malinlang ng mga dayuhan.
“Dayuhan po ito, hindi ito Pilipino, hindi ito Bangsamoro. Dayuhang ideology na nakarating sa Pilipinas,” aniya.
Isinulong din ni Padilla ang suporta para sa militar na paigtingin ang intelligence operations nito laban sa dayuhang terorista.
“Lalo po nating palakasin ang ating suporta sa ating military sa intelligence upang lalong igtingin nila ang operasyon laban dito sa mga dayuhang ito sapagka’t mahal na pangulo nandito po sila,” aniya. (NINO ACLAN)