“MISMONG kay Sara Duterte nanggaling kamakailan lamang na ang ‘kalaban ng kapayapaan ay kalaban ng bayan.’ At pinatunayan nitong siya mismo ang kalaban ng bayan sa lantarang pagkontra sa usapang pangkapayapaan.”
Buwelta ito ng fisherfolk group Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya) kay Vice President Sara Duterte na kumontra sa negosasyong pangkapayapaan sa pagitan ng pamahalaan at ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP).
Ayon sa ecumenical youth group Student Christian Movement of the Philippines (SCMP),”Utak-pulbura mag-isip si VP Sara Duterte sa kaniyang inilabas na pahayag laban sa posibilidad ng usaping pangkapayapaan sa pagitan ng Gobyerno ng Republika ng Pilipinas at ng National Democratic Front of the Philippines.”
“Ipinapamukha niya sa atin na pawang sa bakbakan lamang umiikot ang negosasyong pangkapayapaan gayong layunin nitong lutasin ang mga sosyo-ekonomikong ugat kung bakit nga ba nag-aarmas ang napakaraming mahihirap na Pilipino. Nasa trangko ng GRP, ang namumunong gobyerno, ang tungkulin na solusyonan ang deka-dekadang kahirapan, opresyon, at pagpapakatuta sa dayuhan na dahilan ng giyerang sibil sa Pilipinas,” dagdag ng grupo.
Panawagan naman ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) sa samabayanang Pilipino, patuloy na suportahan ang pagbuhay sa peace talks at manatiling mapagbanatay laban sa mga “peace spoilers and militarists” na nais balewalain ang Oslo Joint Statement.
Nakasaad sa Oslo Joint Statement na ipupursige ng gobyerno ng Pilipinas ang mapayapang resolusyon sa armadong tunggalian sa CPP-NPA-NDFP.
“Armed struggle stems from deep-rooted social ills which cannot be solved by bombing communities and forcing the surrender of the struggling masses,” sabi ng Bayan sa isang kalatas.
Pinasalamatan ng Bayan ang mga opisyal ng pamahalaan na umaayuda sa mga pagsusumikap ng administrasyon na buhayin ang peace talks sa mga rebelde.
“We commend the different public officials who have spoken out in support of resuming peace negotiations with the NDFP,” anang Bayan.
“Indeed, if the stumbling blocks are removed and there is seriousness in truly addressing the long-running issues that give rise to armed conflict, we see no reason why both parties cannot come to an agreement that is acceptable and beneficial to the people,” dagdag nito. (ROSE NOVENARIO)