BAGSAK sa international human rights norms at standards ang rehimeng Marcos-Duterte sa ilalim ng Universal Declaration of Human Rights (UDHR).
Sa paggunita sa ika-75 taon ng UDHR ngayon, tinukoy ng human rights alliance Karapatan na ang pangunahing nilabag ng rehimen ay ang karapatan mabuhay.
Naitala ng grupo ang naganap na 87 extrajudicial killing sa ilalim ng brutal na counter-insurgency war ni Marcios Jr. mula maluklok sa Malakanyang noong Hulyo 2022, kabilan ang isang siyam na taong gulang na babae at isang magsasakang may problema sa pag-iisip.
Naidokumento rin ng Karapatan ang 12 biktima ng enforced disappearance; 316 biktima ng illegal at arbitrary arrest; 22,391 biktima ng pambobomba; 39,769 biktima ng indiscriminate firing; 24,670 biktima ng forced evacuation; 552 biktima ng forced surrender; at 1,609,49 6 biktima ng threats, harassment at intimidation, pati ang red-tagging.
Daan-daan ang nahaharap sa mga gawa-gawang kaso, kabilang ang 795 bilanggong pulitikal na nakikipaglaban sa hindi makatarungang mga batayan ng kanilang pagkakulong at masasamang kondisyon sa mga pasilidad ng detensyon. Hindi bababa sa labing pito sa kanila ay peace consultants ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP).
Bilang matataas na opisyal ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC), itinuloy anila nina Marcos Jr. at Sara Duterte ang militaristang whole-of-nation approach na hindi tumugon sa mga ugat ng armadong tunggalian sa bansa at sa halip ay nagbunga ng libu-libong kaso ng mga paglabag sa karapatang pantao at IHL.
Giit ng Karapatan , ang confidential at intelligence fund, bukod pa sa badyet ng NTF-ELCAC at ang mas malaking bahagi ng militar at pulisya sa pambansang badyet, ay naglalantad sa mga baluktot na prayoridad ng administrasyong ito, sa halip na dagdagan ang pampublikong pondo para sa mga serbisyong panlipunan.
Ang Dahas Project ng UP Third World Studies Program, sa kabilang banda, ay nag-ulat na sa ilalim ng giyera ni Marcos Jr. laban sa droga, mayroong 474 drug-war related killings noong Nobyembre 23, 2023, na pinasinungalingan ang mga pahayag ng rehimen na ang bersyon nito ng digmaan sa droga ay hindi marahas.
“Despite Marcos Jr.’s cultivated facade, the sordid figures on rights violations prove that he is his dictator-father’s son and his regime, a continuation of that of his predecessor Rodrigo Duterte. Duterte himself is accountable for up to 30,000 deaths in his bloody war on drugs and the killings of 422 activists, on top of other grave violations of human rights,” ani Cristina Palabay, secretary-general ng Karapatan.
Walang pinagkaiba aniya ang dalawang rehimen, bagkus ay pareho silang nakatali sa kontra-mamamayan na mga patakaran at paggamit ng militaristang mga balangkas upang sugpuin ang paglaban ng mga tao sa pang-aapi.
Giit niya, ang ganitong mga patakaran at kilos ay itinutulak ng mga imperyalistang pakana ng gobyernong US sa pamamagitan ng tulong militar, kagamitang pangdigma, at mga pakana nitong panghihimasok, katulad ng digmang agresyon nito laban sa mamamayan ng Palestine.
Habang pinapanagot sila para sa mga krimeng ito, sinusuportahan ng Karapatan ang mga panawagan ng mga biktima ng war on drugs at kanilang mga pamilya para sa International Criminal Court na magsagawa ng mga imbestigasyon kay Duterte at sa kanyang alipores, sa harap ng lubos na kabiguan ng mga mekanismo ng domestic redress para magbigay ng hustisya sa mga biktima.
Nagsusumikap aniya ang Karapatan sa pag-uusig ng pananagutan sa iba’t ibang lugar at fora.
“While we fight for justice, we renew our commitment to the struggle for a just and lasting peace by insisting that previous agreements on human rights and IHL be upheld and that the root causes of the armed conflict be addressed. The GRP-NDFP peacetalks presents this opportunity for the majority of disadvantaged Filipinos,” ani Palabay. (ROSE NOVENARIO)