Sun. Nov 24th, 2024

📷Larawang kuha ng NCRPO sa pagdakip kina Wigberto Villarico at Marjorie Lizada sa Quezon City.

 

WALANG pag-aalinlangan, ang sunud-sunod na pag-aresto sa mga peace consultant ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) ay isinagawa sa layuning madiskaril ang mga pagsisikap na buhayin ang negosasyong pangkapayapaan ng NDFP-GRP, sa panahon na ang magkabilang panig ay nagsusumikap na sumulong, batay sa Oslo Joint Declaration of November 2023.

Pahayag ito ng Communist Party of the Philippines (CPP) kasunod ng pagdakip noong Huwebes sa Quezon City kay Wigberto Villarico,68, nagsisilbing peace consultant ng NDFP.

Ayon kay CPP chief information officer Marco Valbuena, mariing kinokondena ng partido ang pag-aresto kay Villarico at ito’y malinaw na mensahe na ilang elemento sa loob ng rehimeng Marcos ay ayaw na magtagumpay ang mga pagsisikap na umusad ang usapang pangkapayapaan.

Hinihiling ng partido na igalang ang mga karapatan ni Villarico at agad siyang palayain.

Giit ni Valbuena, lahat ng gawa-gawang kaso ay dapat na agad na ibasura kasabay ng kahilingan na ibigay kay Villarico ang kanyang karapatan sa kanyang sariling abogado, at sa isang doktor na kanyang pinili.

Si Villarico  aniya ay may iba’t ibang karamdaman at nangangailangan ng medikal na atensyon at dumaranas ng spondylitis, hypertension, heart arythmia, asthma, prostate enlargement at iba pa.

Ani Valbunea, bilang consultant ng NDFP para sa negosasyong pangkapayapaan, aktibong binibigyang pansin ni Villarico ang mga isyu, alalahanin at kahilingan ng mga manggagawa, magsasaka at minoryang mamamayan, estudyante at iba pang sektor sa Timog Katagalugan.

Ang pag-aresto at pagkulong kay Villarico, kasama ang kanyang kasamang si Marjorie Lizada, ay isinagawa aniya sa kasagsagan ng bagyong Kristine na mahigpit niyang sinusubaybayan upang tumulong sa pagpapayo sa mga pwersa ng NDFP sa pag-oorganisa at pagpapakilos ng tulong at mga mapagkukunan sa mga nangangailangan.

Sinabi ni Valbuena, bilang isang peace consultant ng NDFP, si Villarico ay protektado ng Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees (JASIG).

May hawak  aniyang mga dokumento si Villarico na nagpapakilala sa kanya bilang peace consultant at  sa ilalim ng JASIG, sumang-ayon ang gobyerno ng Pilipinas na huwag isailalim sa surveillance at arestuhin ang mga consultant, tauhan, at kawani ng NDFP.

Dapat aniyang managot ang mga pulis at militar na responsable sa pagdakip kay  Villarico bunsod ng pagwawalang-bahala sa JASIG.

“The arrest of Villarico is in blatant disregard of the JASIG. The military and police responsible for Villarico’s arrest must be held responsible for this violation. In line with the JASIG, Villarico, as well as Liza must be immediately released.”

Si Villarico ang ikatlong peace consultant ng NDFP na ikinulong ng gobyernong Marcos nitong mga nakaraang linggo.

Sa unang bahagi ng buwang ito, inaresto at ikinulong ng mga pwersa ng militar at pulisya si NDFP Peace Consultant Porferio Tuna sa Tagum City, Davao del Norte at ilang araw ang nakalipas ay dinakip si NDFP Peace Consultant Simeon Naogsan o Ka Filiw ng Cordillera People’s Democratic Front sa Ilocos Norte.

Hinihiling ng CPP na agad na palayain sina Villarico, Tuna at Naogsan, at iba pang peace consultant ng NDFP para makalahok sila sa mga pagsisikap na buhayin ang negosasyong pangkapayapaan.

NSC malayang manghula

Binati ni National Security Adviser Eduardo Año ang pulisya at militar para sa pag-aresto kay Villarico, na aniya’y ang namumuno sa CPP matapos ang pagkamatay ni Benito Tiamzon noong Agosto 22, 2022.

Nauna rito, kapwa idineklara ng militar at pulisya na si Villarico ay kalihim ng Southern Tagalog Regional Party Committee ng CPP at miyembro din ng Political Bureau (Politburo) ng CPP.

Gayunman, tumanggi si Valbuena na kumpirmahin ang mga paratang, at sinabing ang CPP, bilang isang underground Party, ay hindi tinutukoy ang mga miyembro at opisyal nito upang protektahan ang kanilang personal na seguridad at ng organisasyon.

“Of course, as an underground Party, the CPP does not identify its active officers to protect their personal security and that of the organization,” anang partido.

Maaari aniyang manghula ang NSC ng lahat ng gusto nila at ipagyabang na inaresto nila ang CPP Chair, na malamang na ginawa nila umano sa layunin na palakihin ang kanilang ‘accomplishment’ at gantimpala.

“The National Security Council can speculate all they want and claim that they have arrested the CPP Chair, which they probably did with the objective of inflating their “accomplishment” and bloating their reward.”

Sinabi ni Valbuena na bilang consultant ng NDFP para sa negosasyong pangkapayapaan, aktibong binigyang pansin ni Villarico ang mga isyu, alalahanin at kahilingan ng mga manggagawa, magsasaka at minoryang mamamayan, estudyante at iba pang sektor sa Timog Katagalugan.

“What we know is that Mr. Wigberto Villarico is a peace consultant of the NDFP who for years has actively pushed the issues, concerns and demands of workers, peasants and minority people, students and other sectors in Southern Tagalog.”

Noon pang Agosto 2024 ay inilantad na ni Año ang disgusto niya na matuloy ang usapang pangkapayapaan dahil sa aniya’y “pagtutol sa lokal na antas” laban sa pagtatakwil sa armadong pakikibaka.

Anang CPP, kinondena ng mga rehiyunal na opisina ng NDF at mga command ng New Peoples’s Army ang pahayag na ito, at tinawag si Año bilang numero unong tagasabotahe ng usapan.

Bagama’t sinalungat ni Presidential Adviser on Peace, Reconciliation, and Unity Secretary Carlito Galvez Jr ang naging pahayag ni Año at tiniyak na “very optimistic” o positibo aniya ang  administrasyong Marcos Jr. sa pagtutuloy ng usapan ngunit ang tatlong magkakasunod na pagdakip sa NDFP peace consultants ay nagpakita ng tunay na motibo ng gobyerno ng Pilipinas.

Nauna nang binatikos ng CPP ang layunin ng rehimeng US-Marcos na pasukuin ang mga rebolusyonaryong pwersa sa pamamagitan ng usapan. (ROSE NOVENARIO)

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *