📷Altermidya
NAHUHULI ang Armed Forces of the Philippines sa sarili nitong kasinungalingan sa pag-aresto kay Wigberto Villarico, ayon sa human rights group na Karapatan.
Si Villarico,National Democratic Front of the Philippines (NDFP) peace consultant, ay inaresto ng pinagsanib na elemento ng militar at pulisya sa pangunguna ng Armed Forces of the Philippines Joint Task Force Katagalugan at Philippine National Police sa Barangay Fairview, Quezon City noong Oktubre 24, 2024 kasama si Marjorie Lizada.
Sinabi ng Karapatan sa isang kalatas na sa pahayag ng militar ay isa sa mga alyas ni Villarico ay “Benjamin Mendoza.”
Ngunit noong Oktubre 2012, inaresto na ng 2nd Infantry Division ng Philippine Army ang isang security guard na, anila, ay si “Benjamin Mendoza” na may PhP5.6 milyong pabuya sa kanyang ulo.
Ang security guard na si Rolly Panesa, ay labis na pinahirapan at iligal na ikinulong bago pinasiyahan ng korte na hindi siya si Benjamin Mendoza.
Giit ng Karapatan, sa isang nakatatawang sitwasyon, sinubukan noon ni Southern Luzon Command chief Maj. Gen. Alan Luga na hadlangan ang pagpapalaya kay Panesa at patuloy na ilista ang pag-aresto sa kanya bilang isa sa mga “accomplishment” ng AFP. Ang pag-amin sa kanilang pagkakamali ay mapipilitan silang ibalik ang P5.6 milyong pabuya na kanilang pinagpiyestahan na.
Anang grupo, dahil sa multi-milyong pisong pabuya na inaalok ng rehimeng Marcos Jr. para sa neutralisasyon ng mga sinasabing lider komunista, isa pang “Benjamin Mendoza” ang maaaring lumitaw sa hinaharap sa ilalim ng arbitraryong sistemang ito ng “order of battle” at mga pabuya,
Kinokondena ng Karapatan ang arbitraryo pagdakip kina Villarico, at dalawa pang NDFP peace consultant na sina Porferio Tuna at Simeon “Ka Fili” Naogsan pati ang pagtortyur at pagpatay noong unang bahagi ng taong ito sa mga consultant ng NDFP na sina Concha Araneta at Ariel Arbitrario, lahat ay ipinagbabawal sa ilalim ng Joint Agreement of Safety and Immunity Guarantees (JASIG) at ng Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL) na nilagdaan ng NDFP at ng Government of the Republic of the Philippines (GRP).
Ang mga insidenteng nabanggit, ayon sa human rights group, ay maliwanag na indikasyon na ilang elemento sa loob ng sektor ng seguridad ng GRP ay determinadong isabotahe ang pagpapatuloy ng usapang pangkapayapaan.
Nababahala ang pamilya ni Villarico sa kanyang kalusugan at kapakanan, lalo na’t sa edad na 68, dumaranas siya ng spondylitis, hypertension, heart arrhythmia, asthma, diabetes at prostate enlargement, at iba pa.
Dapat anilang igalang ang mga karapatan at ipagkaloob ang karampatang pangangalagang medikal at legal na tulong sa ilalim ng International Humanitarian Law. (ROSE NOVENARIO)