Sun. Nov 24th, 2024

📷 Julie de Lima, chairperson ng Peace Negotiating Panel ng National Democratic Front of the Philippines

 

“Hindi katanggap-tanggap na habang sinasabi ng GRP na ituloy ang kapayapaan, sabay-sabay nitong pinupuntirya at ikinulong ang mga nagtatrabaho para makamit ito.”

Sinabi ito ni Julie de Lima, tagapangulo ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) Negotiating Panel, bunsod ng sunod-sunod na pag-aresto sa NDFP peace consultants na aniya’y nagtutulak sa “bingit ng pagbagsak”  sa patuloy na pagsisikap na buhayin ang pormal na usapang pangkapayapaan.

Sa isang kalatas ay mariing kinondena ni De Lima, ang lahat ng “illegal arrests”  ngayong Oktubre kina Porferio Tuna sa Tagum City; Simeon Naogsan sa Bacarra, Ilocos Norte; at Wigberto Villarico sa Quezon City.

Ani De Lima, bagama’t nais ng NDFP na ulitin ang kanilang patakaran sa pagiging bukas upang ipagpatuloy ang negosasyong pangkapayapaan, ngunit ang oportunidad para aniya sila makakasali sa makabuluhang negosasyon ay kuwestiyonable na  lalo na’t ang kanilang mga negosyador at consultant ay sumasailalim sa mga pag-aresto, pagpatay, at tortyur.

Sinabi ni De Lima na ang arbitraryong pagkulong sa kanilang mga consultant ay bahagi ng sunod-sunod na lantarang paglabag ng Government of the Republic of the Philippines (GRP) ng Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees (JASIG) na nilagdaan nito kasama ang NDFP noong 1995.

Ipinaliwanag niya na ang JASIG ay nilagdaan upang mabigyan ang magkabilang panig sa negosasyon ng mga kaaya-ayang kondisyon upang makisali sa negosasyong pangkapayapaan nang walang banta ng pag-aresto, pagpatay o panliligalig.

“This issue is both a practical and political obstacle to the ongoing talks, as it threatens not only the safety of the NDFP consultants, negotiators and staff but also undermines the very foundation of trust and dialogue necessary for any productive peace negotiation to continue,”  sabi ni De Lima.

Pinabulaanan din ni De Lima ang pahayag ni GRP National Security Council (NSC) Eduardo Ano na hindi consultant ng NDFP si Villarico, at sinabing regular na nakikipag-ugnayan ang umano’y nangungunang lider ng Communist Party of the Philippines sa NDFP Negotiating Panel bilang pangunahing kinatawan mula sa rehiyon ng Southern Tagalog.

“His role is crucial in representing concerns of farmers and workers in the region and in advancing the substantive items in the negotiations including in the process of drafting the Comprehensive Agreement on Social and Economic Reforms (CASER),” paliwanag ni De Lima.

‘Pagkasuklam sa mga kasunduan’

Iginiit ni NSC spokesperson Jonathan Malaya noong Linggo na si Villarico ay hindi peace consultant at tinawag na hindi wasto ang mga kahilingan para sa kanyang pagpapalaya sa ilalim ng JASIG.

Sinabi ni Malaya na ang kasunduan ay winakasan ng GRP noong 2017, na tumutukoy sa isang pahayag na ginawa ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Pebrero ng taong iyon sa kanyang una sa ilang pagkansela ng pormal na negosasyon.

Ang liham ng pagwawakas ng JASIG ng GRP

“Ang Joint Oslo Communique ng 2023 na nilagdaan sa ilalim ng administrasyong Marcos Jr. kasama ang NDF ay hindi muling binuhay ang JASIG,” sabi rin ni Malaya.

Sa halos tatlong dekada ng pagpapatupad nito, gayunpaman, ang JASIG ay co-terminus sa negosasyong pangkapayapaan.

Isang beses lamang itong pormal na winakasan, noong Hulyo 1999 matapos maglabas ang Joseph Estrada GRP ng abiso ng pagwawakas ng negosasyong pangkapayapaan noong Hunyo.

Ito ay paulit-ulit na muling pinagtibay ng magkakasunod na administrasyon ng GRP – Gloria M. Arroyo, Benigno Simeon C. Aquino at Rodrigo R. Duterte – kasama ang The Hague Joint Declaration, Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL), at iba pa .

Ang pagwawakas ng GRP noong Pebrero 7, 2017 sa JASIG ay itinuring na nai-waive nang ipagpatuloy ang pormal na negosasyon noong sumunod na Abril.

Motibo ng GRP ‘sintunado

Sinabi ni De Lima na ang paulit-ulit na pag-aresto, tortyur, at pagpatay sa mga consultant ng NDFP sa ilalim ni Marcos Jr., sa kabila ng kanilang protektadong katayuan sa ilalim ng JASIG, ay malinaw na indikasyon ng ‘bad faith’ ng GRP.

Para kay De Lima ang mga aksyon ng GRP ay sumisira sa proseso ng kapayapaan at lumalabag sa mga pangunahing prinsipyo ng paggalang sa isa’t isa at pananagutan.

Sa ilalim ni Marcos Jr., pinatay ang miyembro ng NDFP Negotiating Panel na si Benito Tiamzon sa Catbalogan City, kasama ang asawa at peace consultant na si Wilma Austria.

Kabilang sa iba pang consultant ng NDFP na pinatay sa ilalim ni Marcos Jr. sina Ericson Acosta, Rogelio Posadas, Concha Araneta at Ariel Arbitrario.

Sinabi ng NDFP at human rights organizations na ang lahat ng mga biktima ay binihag nang buhay at pinahirapan bago brutal na pinatay ng mga bumihag sa kanila.

Proteksyon para sa human rights workers

Sinabi ni De Lima na inialay ng mga consultant ng NDFP ang kanilang buhay para maging kinatawan sa interes ng mamamayang Pilipino at mahalaga sa pagpapatuloy ng negosasyong pangkapayapaan.

Kaya’t ang labag sa batas na pag-aresto sa kanila ay nagsisilbi lamang upang palakasin ang lumalagong kawalan ng tiwala at tumataas na tensyon sa panahon na ang espasyo para sa diyalogo ay kritikal.

Ipinaliwanag ni De Lima na sa paulit-ulit na paglabag sa mga proteksyong ito, binalewala ng GRP ang sarili nitong mga pangako at patuloy na itinutulak ang patuloy na pag-uusap sa bingit ng pagbagsak.

Sinabi ni De Lima na sadyang lumilikha ang GRP ng masasamang kondisyon para hadlangan ang negosasyong pangkapayapaan.

“With consultants and negotiators of the NDFP repeatedly subjected to arbitrary arrests, extrajudicial killings and torture, the GRP has made a mockery of its own supposed commitment to peace,” ani De Lima.

Ang matinding paglabag aniya sa karapatang pantao ay nagpapakita hindi lamang ng pagwawalang-bahala sa JASIG at sa CARHRIHL, kundi pati na rin sa ganap na kawalan ng paggalang sa buhay at kalayaan ng mga nagtatrabaho para sa isang makatarungang resolusyon sa armadong tunggalian. (ROSE NOVENARIO)

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *