Sun. Nov 24th, 2024

“Para sa mga mahal naming komyuter, mga kapwa namin tsuper at operator, at sa lahat ng aming kababayan, inanunsyo na ni Bongbong Marcos kanina ang kamatayan ng aming hanapbuhay sa dulo ng taon. Sa pagraratsada ng franchise consolidation, mapipinsala ang higit 21 million na komyuter, masasagasaan ang kabuhayan ng lagpas 100,000 na tsuper at 40,000 na operator, at pwersahang papatirikin ang mga pangarap namin para sa mas maayos na kinabukasan.

Sa katunayan, ang prangkisa ay para nang diploma sa aming mga tsuper na hindi nakapag-aral. Ito ang nagsilbing gamit namin para maabot namin ang aming mga pangarap – ang pagsilbihan ang nakararami naming kababayanan, ang pag-aralin ang aming mga anak, at ang buhayin nang matiwasay at marangal ang aming mga pamilya.

Alam naming matagal na tayong lumalaban para maipagtanggol ang karapatan namin dito, pero ilang beses na rin tayong hindi pinapakinggan. Alam namin ang halaga nito para sa aming mga pamilya at para sa buong bayan, kaya hanggang ngayon, hindi pa rin kami nagsasawa sa pagtatanggol nito. Pero hindi namin ito kayang gawin ng kami-kami lang, kailangang-kailangan na namin kayo.

Suportahan niyo po sana kami laban sa anumang karahasang maaaring gawin ng gobyerno laban sa mga lalahok sa strike. Ang pagdadaos ng strike na ito ay batayang karapatan namin, at sana masamahan niyo kami na ipagtanggol ito.

Mga kapwa naming Pilipino, matagal na tayong magkasangga sa pag-abot natin ng ating mga pangarap at pagtataguyod ng ating mga pamilya. Jeep na ang sinakyan natin sa hirap at sa ginhawa, sa pagkabigo at sa tagumpay.  Hinatid na namin kayo sa mga palengke, pagamutan, opisina, at paaralan. Ngayon ihatid niyo sana kami papalayo sa gutom at kahirapan.”

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *