PINAG-AARALAN na ng transport group PISTON ang paghahain ng petisyon sa Korte Suprema para kuwestiyonin ang Public Utility Modernization Program
Giit ni Piston president Mody Floranda, puwede nilang kwestyunin sa Korte Suprema ang naturang polisiya.
“Puwede pa tayong mag-file ng kaso sa Korte Suprema sapagkat itong modernization ay hindi batas, ito’y isang executive order lamang. Pinag-aaralan ng aming mga abogado kung anong ipa-file sa Korte Suprema,” ani Floranda.
Ayon sa Piston, kapag hindi sila sumapi sa mas malaking asosasyong may prangkisa ay hindi na sila makakabiyahe sa Enero 1, 2024.
“Magkakaron ng malaking epekto ito… Magkakaroon ng transport crisis, walang masasakyan ang pasahero at bubulusok ang ating ekonomiya,” ani Floranda.
Giit nila, rehabilitasyon ang nais nila sa mga jeepney at hindi phaseout.
“Kaya tayo naman bakit ayaw natin pumasok sa consolidation kasi sabi nga natin hindi sa ayaw natin [ng modernisasyon] kundi panawagan nga natin rehabilitasyon,” aniya.
“Hindi dapat kunin ang prangkisa ng mga indibidwal na operator,” ani Floranda.
Nanawagan PISTON kay Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na pag-isipan at bawiin ang ang deadline ng jeepney franchise consolidation sa Disyembre 31.
“Tayo ay umaasa na baguhin ni President Marcos yung kanyang desisyon,” ayon kay Floranda.
Kaugnay nito, tiniyak ng PISTON at ng grupong Manibela na ipagpapatuloy nila ang tigil-pasada hanggang sa “last working day of the year.”
Ginawa nila ang deklarasyon kasunod ng inilabas na memorandum ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na Memorandum Circular No. 2023-051, na nagbabawal bumiyahe sa mga hindi sumapi sa kooperatiba o korporasyon simula 1 Enero 2024. (NINO ACLAN)