📷 ACT Teachers Partylist Rep. France Castro
ITUTULOY pa rin ng Makabayan bloc ang pagsusulong ng panukalang batas na P750 across-the-board wage hike kahit maaprobahan ang P200 umento sa sahod sa Kongreso.
“Ang bill ng Makabayan bloc ay P750 wage hike across the board para sumapat man lang sa P1200 family living wage,” sabi ni ACT Teachers Partylist Rep. France Castro.
“Pero kung ibibigay ang P200 wage increase ng isang bagsakan at walang exemptions across the board nationwide ay it is a step at the right direction para makatulong man lang para makaagapay ang ating mga manggagawa sa taas ng mga bilihin. Itutuloy pa din namin ang pagsusulong ng wage hike para makamit ang family living wage maski matuloy ang P200 wage increase,” dagdag niya.
Sinabi kahapon ni Speaker Martin Romualdez na ang patuloy na mga pampublikong konsultasyon ay nagpapahiwatig ng isang consensus sa Kamara upang suportahan ang wage hike bill na magbibigay ng P200 / araw na minimum wage increase para sa mga manggagawa.
Giit ni Romualdez, isa itong napakahalagang hakbang tungo sa inclusive growth at pagtugon sa mga paghihirap sa pananalapi ng mga pamilyang Pilipino.
Tiniyak ni Romualdez na ang mga mambabatas ay gumagawa ng isang balanseng panukala sa pagtaas ng sahod na isinasaalang-alang ang kapakanan ng mga manggagawa at ang kapasidad ng mga negosyo, partikular na ang micro, small, and medium enterprises (MSMEs), na mag-adjust.
Matatandaan na inaprobahan na ng Senado ang P100 umento sa sahod ng mga obrerio sa pribadong sektor noong Marso 2024. (ZIA LUNA)