Wed. Apr 30th, 2025

MAY anim na buwan ang bagong talagang Presidential Communications Office Secretary Jay Ruiz para kumalas sa sarili niyang kompanya na nakasungkit ng P206 milyon kontrata sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) at International Broadcasting Corporation (IBC), isang attached agency ng PCO.

“Ang batas naman po natin ay allowed po ‘no na mag-divest ng shares or interest sa anumang kompaniyang pag-aari niya within 60 days from the time na siya ay nag-assume ng posisyon. So, iyan po ay parating na po at alam naman po niya iyong batas at lahat po naman ng gagawin natin dito ay dapat naaayon sa batas,” pahayag ni PCO Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro hinggil sa isyu.

Napaulat, na ang Digital 8 Inc., isang media company na pagmamay-ari nina Ruiz at dating PTV-4 general manager Ana Puod, ay nakuha ang P178. 5 milyon para sa production at television transmission ng PCSO lotto draws at iba pang games noong 30 Oktubre 2024.

Si Ruiz ang tinukoy na sa dokumento bilang awtorisadong kinatawan ng Digital 8 Inc., na nakabase sa One Global Place sa BGC, Taguig City.

Mula sa PTV-4 ay inere na ang lotto draw sa IBC-13.

Isa pang kontrata sa PCSO na nagkakahalaga ng P27.552 milyon ang napunta rin sa Digital 8 Inc.para sa production at placement ng digital promotional videos noong 20 Disyembre 2024 na nilagdaan ng presidente ng kompanya na si dating police colonel Rommel Miranda, kandidato sa pagka-konsehal sa 2nd district ng Maynila.

Matatandaan na si Miranda ay nasangfkot sa pagdukot at pagpatay sa isang Chinoy businesswoman na natagpuan ang bangkay sa loob ng septic tank.

Napag-alaman na ang Digital 8 ang nagmamay-ari ng D8TV, isang free-to-air television channel na nag-umpisang mag-broadcast noong Nobyembre 2024. (ROSE NOVENARIO)

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *