Thu. Apr 24th, 2025 7:46:21 AM

📷Acting Communications Secretary Jay Ruiz

 

KASIMBILIS ng kidlat ang pag-angat ng Digital 8 mula sa pagkakaroon nito ng kapital na P130,000 ay nabiyayaan ng P187.5-M (unang naiulat bilang P206-M) kontrata ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) matapos ang joint venture ng kompanya sa state-run Intercontinental Broadcasting Corp. para maiere ang lotto draw at iba pang games ng PCSO.

Halos tatlong dekadang napanood ang lotto draw sa PTV-4, isa ring government owned television station, ngunit marami ang nagulat mula mawala si Ana Puod bilang general manager nito’y ay napunta na ang kontrata sa IBC-13-Digital 8 joint venture.

Nakasaad sa kontrata na ang presidente ng Digital 8 ay si dating police colonel Rommel Miranda, umano’y live-in partner ni Puod.

Ang Digital8 ay nakarehistro sa Securities and Exchange Commission noong 2012. Ang mga incorporator nito ay sina Supt. Rommel S. Miranda, na aktibo pa sa National Capital Region Police Office (NCRPO) ngunit nag-subscribe sa mayorya ng shares ng kompanya, sina Romulus Miranda, Rowena Miranda, Imelda Santos, at Miguel Santos.

Ang middle name ni Miranda ay Santos.

Si  Miranda ay nadawit sa kaso sa pagdukot at pagpatay sa Filipino-Chinese businesswoman na si Leah Angeles Ng, ang kanyang matagal nang kasosyo sa negosyo, at kapitbahay sa Quezon City, dahil umano sa ilang alitan sa pera.

Nakuha ang katawan ni Ng mula sa isang septic tank sa Laguna noong Peb. 23, 2012, halos limang linggo matapos siyang mawala.

Ang abogado ni Miranda sa kaso ay si Reynaldo Ruiz, na maaaring kamag-anak o hindi ni acting Communications Secretary Jay Ruiz.

Si Miranda ay kumakandidato bilang konsehal sa Distrito 2 ng Maynila sa ilalim ng tiket ni Isko Moreno.

Si Moreno ay isa sa mga katunggali ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. noong 2022 presidential elections at nais magbalik bilang alkalde ng Maynila sa May 2025 midterm elections.

 

‘Gigisahin’ sa Commission on Appointments

 

Lalong naging kontrobersyal ang P187.5-M kontratang nasungkit ng IBC13-Digital 8 matapos maisiwalat na si acting Press Secretary Ruiz ay nagsilbing “authorized representative” ng Digital 8 sa panahong nakuha ng kompanya ang kontrata sa PCSO.

Sapat ba ang pagtanggi lang ni Ruiz na hindi siya kabilang sa mga may-ari ng Digital 8 para dumistansya sa usapin at itangging may conflict of interest siya?

Tiyak na pinapahalagahan siya ni Miranda upang maging kinatawan niya para sa isang malaking proyekto.

Dapat ibunyag ng PCO chief ang mga dokumento at pagtatasa na naging dahilan ng pagpili ng PCSO sa tambalang IBC-13 at Digital 8 para isakatuparan ang P187.5-M kontrata na isang milya ang layo sa P130,000 kapital ng kompanya.

Sa kanyang pagharap sa makapangyarihang Commission on Appointments (CA) para sa kompirmasyon ng kanyang posisyon bilang PCO secretary, kailangan ‘ikanta’ ni Ruiz ang kanyang tunay na koneksyon kina Puod, Miranda, IBC-13 President at CEO Jimmie Policarpio at PCSO General Manager Mel Robles, at kung sinoman ang kanilang “common denominator.” (ITUTULOY)

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *