Fri. Nov 22nd, 2024
Vice President Sara Duterte

KUNG lantaran na ang pagbatikos kay Pangulong Ferdinand “Bongbong”Marcos Jr., dapat nang mag-resign si Vice President Sara Duterte bilang education secretary, ayon kay dating Presidential Adviser for Political Affairs Ronald Llamas.

“May limits ang hypocrisy. May limit ang pagiging ipokrita na kunwari ikaw ay bahagi ng gobyerno. ‘Yung limits na ‘yan, tingin ko ay na-crossed na. Kapag nilinaw mo na, if lines were crossed, dapat mag-resign ka na as secretary ng pinakamalaking ahensya ng gobyerno, education, isa sa pinakaimportante,” ani Llamas sa online program Politiskoop kanina

“Yun ang consequence kapag ikaw ay gumuhit na sa presidente. Hindi naman necessarily magre-resign  as vice president. Dapat ka nang mag-resign as secretary of education. Kung lantaran na ang iyong opposition. Lantaran na ang pagbanat mo sa president. Ibig sabihin, na-crossed mo ang line, yun ang consequence nyan,” dagdag niya.

“Bakit hindi nya pa harapin ang consequence na yan? Nawala na nga ang daan-daang milyon na confidential at intelligence funds mo, mawawala pa ang bilyun-bilyon na ginagamit mo sa Department of Education, kinakailangan mo nang harapin ang katotohanan. May limits ang hypocrisy,” paliwanag niya.

Mahirap na aniyang ibalik ang nawasak na unity at ang tiwala sa isa’t isa ng mga Marcos at Duterte pero sa kanilang tunggalian ay nakalalamang aniya ang incumbent president dahil hawak niya ang “coercive arm of the state” at ang mahahalagang institusyon ng burukrasya na pinahina noong nakaraang administrasyon ay pinalalakas na ulit ng kasalukuyang gobyerno.

Ang “pinakahuling pako sa kabaong” ng UniTeam aniya ay ang pagpapasok ng mga imbestigador ng International Criminal Court (ICC) sa bansa.

Ipinahiwatig ni Llamas na minsan nang nagpunta sa Pilipinas ang mga kinatawan ng ICC ngunit ang kinausap ay mga abogado at mga biktima ng Duterte drug war.

Inaasahan na sa second quarter aniya ng 2024 ay iigting na ang naturang isyu.

Kapag isinalang na sa preliminary investigation ang reklamong crimes against humanity sa ICC laban sa mga nagsulong ng madugong drug war ay maglalabas na ng international warrant of arrest ang tribunal laban sa mga akusado.

Ayon sa VERA Files noong Hulyo 2023, kabilang sa mga nabanggit sa mga dokumentong isinumite sa ICC na nag-iimbestiga sa Duterte drug war killings, maliban sa dating pangulo, ay sina VP Sara ,Sens. Ronald “Bato” dela Rosa at Bong Go. (ZIA LUNA)

 

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *