ISANG halal na opisyal na ang dating ibinulgar na pasimuno umano sa vegetable smuggling, ayon sa beteranong broadcaster na si Ted Failon.
Sinabi niya ito kaugnay sa isyu ng talamak pa rin vegetable smuggling na pumapatay sa lokal na magsasaka partikular sa Benguet.
Sa panayam ni Failon kay Agot Balanoy, pinuno League of Association at the La Trinidad Vegetable Trading Areas, sa kanyang programang Ted Failon at DJ Chacha sa 92.3 NewsFM, nabatid na nalulugi na ang mga magsasaka sa kanilang lugar dahil bagsak ang presyo ng smuggled vegetables sa Metro Manila.
Ayon kay Balanoy, pareho naman ang presyo ng mga local na gulay at imported vegetables ngunit tumataas lamang ang halaga ng galing sa kanilang lugar dahil sa mga middlemen bago makarating sa pamilihan sa Metro Manila.
“Kapag supply ang pinag-uusapan, kaya ng local farmers, pareho lang presyo ,tumataas lang dahil sa middlemen,” ani Balanoy.
Inaabuso rin aniya ang implementasyon ng Regional Comprehensive Economic Partnership (RCEP) sa bansa sa pagbaha ng imported vegetables na bagsak presyo pero kaduda-duda ang haba ng shelf life kompara sa mga lokal na gulay.
“Paano na ang mga magsasaka na nag-loan pa sa cooperative para makapagtanim? Saan na kukuha ng pambayad sa utang, pambili ng pagkain, pampaaral ng mga anak?” giit ni Balanoy.
Ilang beses nang napaulat na ibinabad sa formalin ang carrots mula sa China kaya mas mahaba ang shelf life nito kompara sa local carrots.
Inalmahan ng grupo ni Balanoy ang paggamit ng mga pinaasadyang kahon ng imported carrots at patatas na may nakatatak na ABC Baguio dahil hindi galing sa kanilang lugar ang inangkat na gulay.
Ayon kay Failon, sa pagharap noon sa Senate investigation hinggil sa agricultural smuggling ni Balanoy ay nakatanggap pa umano ito ng death threats mula sa mga ibinulgar niyang smuggler.
“Paano titino ang Customs kung may mga protector sila na nasa matataas na posisyon sa gobyerno.? May taga-Customs ngayon, ilan na ang helicopter ng isang opisyal dyan, at ang hangar niya ay siya rin pinaparadahan ng isa pang opisyal ng gobyerno,” sabi ni Failon.
Sa 17 Enero 2024 nakatakda ang dayalogo ng grupo ni Balanoy sa mga opisyal ng Department of Agriculture (DA) hinggil sa kanilang mga hinaing. (ZIA LUNA)