Sat. Nov 23rd, 2024

KAILANGANG humarap sa salamin si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. upang makita niya ang kanyang pagbabalatkayo sa inilabas na mensahe para sa Bagong Taon.

Sinabi ni Marcos Jr. na hangad niya ang pagpapakita ng pagkakaisa, kabutihan at pagmamalasakit sa kapwa sa bawat Pilipino ngayong bagong taon ngunit taliwas ito sa kanyang kontra-mahihirap na patakaran gaya nang ipinipilit na Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) ng kanyang administrasyon.

Sa pagtataya ng Department of Transportation ay may 64,639 public utility jeepneys at 6,756 UV Express units ang hindi pa consolidated at ito’y katumbas ng 43% ng lahat ng PUJs at 35% ng UV Express units sa buong bansa.

Ibig sabihin, may 140,000 drivers at operators ang walang kakayahan na mag-consolidate kaya’t pati ang kanilang pamilya, na aabot sa mahigit kalahating milyong Pilipino ang mapipilayan ang kabuhayan.

Hindi pa kasama rito ang libu-libong tsuper at operator na consolidated na sa mga kooperatiba na baon sa utang at nagsusumikap na kumita.

Karamihan sa mga operator na napilitang isuko ang kanilang prangkisa at mga drayber din na  sa sumali kooperatiba ay nabaon sa utang at hindi na halos kumikita.

Maliban sa napakamahal na presyo ng modernized jeepney units, kailangan magbayad ang kooperatiba para sa consolidation membership, processing at requirement fees, gayundin, ang sahod ng mga miyembro at mataas na maintenance costs.

Sa panayam ng think tank group Ibon Foundation kay Rey Liwag ng Baclaran-Nichols Transport Service Cooperative, kinailangang mangutang ng kanilang kooperatiba ng P70 milyon para sa 26 modern jeeps.

Base sa kanilang kuwentada ay dapat nilang bayaran ang bawat yunit ng P33,000 kada buwan kaya’t kailangan mag-remit ng P6,000 – P7,000 kada araw ang bawat unit upang mamantine ang operasyon, ngunit P3,000 lamang ang naire-remit ng bawat yunit sa isang araw.

Ang paggigiit ng administrasyong Marcos Jr. sa anti-mamamayang PUVMP ay pumapabor sa interes ng pribadong sektor at maaaring maging sanhi ng paglobo ng pasahe ng 300% – 400% sa mga susunod na taon.

Kabilang sa mga malalaking negosyante na maaaring makikinabang sa PUVMP ay ang Manny Pangilinan-backed modern PUJ operator Byahe na maglalagak ng mahigit P1.5 bilyong puhunan sa may 500 e-vehicles na bibiyahe sa 35 ruta karamihan ay sa Metro Manila at Cebu.

Ang mga Araneta sa pamamagitan ng kanilang Beep Jeeps at ang Metro Express Connect ng mga Villar na mamumuhunan din sa modern jeeps.

Habang ang ilan sa major PUV manufacturers na titiba rin sa PUVMP ay ang Pangea Motors’ GET-COMET (USA), Toyota (Japan) at Hyundai (South Korea).

Manhid si Marcos Jr. sa magiging dagdag na pahirap sa mga komyuter na  sa araw-araw ay nakararanas ng  matinding kalbaryo para lamang makapasok sa trabaho, nagtitiis sa kakarampot na suweldo pero nagbabayad ng tamang buwis sa pamahalaan.

Mas maniniwala tayo sa propagandang pagkakaisa at pagmamalasakit ng anak ng diktador kung babayaran ng  pamilya Marcos ang utang nilang P203-B estate tax sa pamahalaan at ipantustos ito sa PUVMP kaysa magdusa ang lahat sa mass transport crisis at ilubog sa utang ang mga tsuper at operator.

Kasama naman sa obligasyon niya ang magkaloob ng maayos at episyenteng mass transport sa sambayanang Pilipino.

Kung sa street lingo, masasabing mahigit 30 milyong Pinoy ang “nabudol” ni Marcos Jr. pero kung ayon sa Saligang Batas, ang ginagawa ba niyang pagpapahirap sa mga mamamayan ay matatawag na “betrayal of public trust”?

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *