MAAARING maging buwena mano sa umano’y sibakan sa gabinete ngayong 2024 si Department of Trade and Industry (DTI) Secretary Alfredo Pascual.
“Ang naririnig ko yang Department of Trade and Industry, mukhang magkakaroon ng overhaul. Isang crucial department iyang DTI na medyo tinatrato tayo na medyo bobo,” pahayag ni dating Presidential Adviser on Political Affairs Ronald Llamas sa programang PolitIskoop kahapon.
“‘Yung mga lumang investment, ‘yung mga lumang MOU nire-rehash o inuulit lang. Hindi ‘yun ang kailangan natin. Ang kailangan natin ay pumasok ang foreign direct investment. Mag-ayos naman sila or else, kailangan silang palitan,” dagdag niya.
Ipinahiwatig ni Llamas na walang kuwenta ang mga pinirmahang kasunduan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa may 17 biyahe sa ibang bansa sa nakalipas na isang taon at kalahati sa Malakanyang.
“Halimbawa kung pupunta sa abroad ang president, inaayos ang mga pipirmahan pero yung mga pinipirmahan, wala namang kuwenta. Kahit ‘yung MOU, basta sigurado naman para hindi naman propaganda,”aniya.
“Sino ang masisisi dyan, syempre ‘yung DTI dahil sila naman ang nag-aayos ng mga investment. Kung hindi nag-i-scale-up ang leader ng DTI, baka kinakailangan siyang palitan. Napapahiya ang president , napapahiya ang iyong boss. Napapahiya ang principal.Report nang report ng kung anu-ano. Report nang report ng mga MOU eh wala naman pumapasok,” giit niya.
Nagbigay ng clue si Llamas sa posibleng pumalit kay Pascual bilang kalihim ng DTI.
“Hindi na siya bago, lahat yata ng gobyerno nagkaroon ng posisyon .Magaling yan. Kung sakaling mangyari yan, may wherewithal ang taong yan, hindi siya propagandist,” wika ni Llamas.
Bago natapos ang 2023 ay umani ng batikos ang pagiging biyahero ni Marcos Jr. dahil hindi nararamdaman ng pangkaraniwang mamamayan ang epekto ng madalas na paglabas niya ng bansa lalo na’t napakataas ng presyo ng mga pangunahing bilihin.
Sa press release ng DTI noong 26 Disyembre 2023, iginiit na nakapag-uwi ng $72.18 bilyon o halos P4 trilyon halaga ng foreign investments ang mga biyahe ni Marcos Jr.
Hindi kombinsido si dating socioeconomic planning chief Winnie Monsod sa propaganda ng Malakanyang na ang investments sa bansa ay direktang bunga ng foreign trips ni Marcos Jr.
“Based on my experience as National Economic and Development Authority (NEDA) director general, the foreign direct investments (pledged by the private sector or state-owned companies of the host country) were either already in the making or already a done deal, and just brought together to coincide with the visits,” aniya sa isang artikulo sa Rappler.
“The more investment pledges that are covered by LOIs and MOUs, the iffier they are, with the LOIs being more iffy than the MOUs,” dagdag niya.
“Those documents are not legally binding. They are just words, with the MOUs a little more substantial than the LOIs. The signatories are not constrained to put their money where their mouths are,” ani Monsod. (ROSE NOVENARIO)