ILANG dating miyembro umano ng Davao Death Squad ang nagbigay ng testimonya sa International Criminal Court na binigyan sila ng “verbal consent” ni noo’y Davao City Mayor Sara Duterte na ituloy ang extrajudicial killings sa lungsod.
“Ano ba yung ebidensya laban kay Sara Duterte, kay Vice President Duterte? Ang facts ‘dyan, itong testimonya nitong mga former members ng Davao Death Squad. She was the mayor from 2010 to 2013, so covered siya nung nagsimula tayo sa ICC noong Nov. 2011 up to June 30, 2013, she was the mayor then,” sabi ni dating Sen. Antonio Trillanes IV sa panayam sa PolitIskoop online program kanina.
“And according doon sa mga testimonya ng former members ng Davao Death Squad, nagpaalam sila kay Sara Duterte kung ipagpapatuloy nila yung EJKs at binigyan sila ng verbal consent ni Sara Duterte na tuloy yung ganung pagli-liquidate nila pero sinabi niya, I-abduct ninyo at patayin ninyo doon sa mga salvage areas kung saan man. Ganoon ang instructions sa kanila, iyon ang on record. Merong eyewitness testimony. So, mabigat ‘yun, nagbigay siya ng consent. Kasi ganito ‘yan nung mayor naman si Sara 2010-2013, hindi naman nahinto ang patayan sa Davao.,” dagdag niya.
Paliwanag ni Trillanes, sakop ng imbestigasyon hindi lamang presidente ng bansa kundi iba pang opisyal ng pamahalaan na inabuso ang kapangyarihan laban sa kanyang constituents.
“So covered ‘yun. Ang tina-try ng ICC, hindi lang mga presidente kung hindi kahit saan level ka , yung authority mo na ginamit mo para abushin yung kapangyarihan against your constituents. In this case, murder. So tuiuy-tuloy ang patayan. Tanong rito, ano ba ang ginawa ni Sara para pigilan ang mga patayan na iyon? Apparently, wala, kasi nga siya pa ang nagbigay ng consent nang magpaalam itong mga members ng Davao Death Squad. Ganoon kabigat ang ebidensya laban sa kanya,” giit ni Trillanes.
Maliwanag aniya ang partisipasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa naganap na patayan sa bansa dahil ipinagmalaki pa ito ng dating president.
“Doon kasi sa tatay niya, maliwanag ‘yung mga ebidensya as mayor from 2013-2016 and as president from 2016 to 2019. Maliwanag. Ina-articulate niya ang policy niya ng pagpatay.
Ipinagmamalaki nila iyon noon, so maliwanag yung sa tatay,” ayon kay Trillanes.
“Pero dito sa anak kay Vice President Sara, yung testimonial evidence very solid plus yung patayan on record doon sa panahon na iyon tuluy-tuloy kaya mabigat ang kinakaharap ni Sara Duterte. So hindi ito politika kasi hindi komo vice president siya , idadawit siya ng ICC, hindi. Sabi ko nga yung ICC kapag nag-isyu ng warrant yan , nagkaso yan, ibig sabhin may basehan yan.” (ZIA LUNA)