Fri. Nov 22nd, 2024
Sen. Jinggoy Estrada

HINATULAN ng Sandiganbayan na  guilty sa kasong direct bribery at dalawang kaso ng indirect bribery si Sen. Jinggoy Estrada pero inabsuwelto siya sa kasong pandarambong kaugnay sa multi-milyong pork barrel scam.

Walo hanggang siyam na taong pagkabilanggo ang hatol para sa direct bribery at 2 hanggang apat na taong pagkakulong sa indirect bribery.

Dalawang state witness, kasama ang isang kawani ng negosyante at pork barrel scam mastermind Janet Lim Napoles, ang nag-ugnay kay Estrada sa kontrobersya.

Inakusahan si Estrada na tumanggap ng P183 milyong kickback mula sa kanyang  Priority Development Assistance Fund (PDAF) na mas kilala bilang pork barrel.

Dati na siyang nakulong sa Philippine National Police Custodial Center at pansamantalang lumaya sa bisa ng inilagak na piyansa noong 2017.

Ayon sa senador, nagulat siya sa kasong bribery na kinaharap niya dahil ang alam niya’y plunder ang kaso niya.

“I’m confused since the charge against me is only plunder. But I’m confused why all of a sudden this bribery case came up,” aniya sa programang The Source sa CNN Philippines kanina.

Sa kabila nito’y naniniwala pa rin aniya siya sa sistema ng hustisya sa bansa kaya hihilingin niya sa kanyang mga abogado na gawin ang lahat ng legal na hakbang upang mabasura ang kanyang mga kaso.

“One thing is for sure, nothing is final yet. The case is appealable. I will ask my lawyers to file the necessary motion for reconsideration at the Sandiganbayan,” aniya. (NINO ACLAN)

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *