ISANG “grand swindle” ang inilalakong signature campaign o people’s initiative sa mga komunidad para amyendahan ang 1987 Constitution dahil ito’y walang basehang moral at legal, ayon sa Bagong Alyansang Makabayan.
Kaya ang panawagan ng Bayan sa lahat ng kontra sa charter change (Cha-cha) sa pamamagitan ng PIRMA O Constituent Assembly , lumahok sa ikinakasang malawang kilos-protesa sa pagbubukas ng sesyon ng Kongreso sa harap ng House of Representatives sa 22 Enero 20223 ganap na alas-9:30 ng umaga.
“Wag nating hayaan ang panloloko at pagbebenta sa bayan,” anang grupo.
Nauna nang binatikos ng Bayan ang pagpayag ng Senado sa Cha-cha ngayong taon bilang indikasyon ng pagiging sunud-sunuran ng sa Malakanyang.
Ikinatuwiran kasi ni Senate President Juan Miguel Zubiri na kaya siya napapayag sa Cha-cha ay upang maiwasan maganap ang isang constitutional crisis.
“Averting a constitutional crisis? The people’s initiative being peddled now in communities has no legal nor moral basis and has been exposed as a grand swindle. Why then should the Senate fear a constitutional crisis? The people’s initiative can and will be defeated because it is advocating self-serving changes in the Constitution and is being undertaken through highly questionable means,” anang Bayan sa isang kalatas.
Kahapon ay inihayag ni Zubiri na nakahanda siyang magbitiw bilang Senate President kapag nakalusot dito ang pag amyenda sa political provisions ng Konstitusyon.
Ayon kay Zubiri, halos lahat ng senador na kanyang nakausap at nakapulong ay malinaw ang kasunduan na economic provisions lang ang gagalawin.
Wala umanong dapat ipangamba ang publiko sa gagawing pag amyenda sa Saligang Batas na simple at makahulugan.
Magugunitang si Zubiri ang nanguna sa paghahain ng Resolution of Both Houses 6 kung saan pinadadagdagan ng mga katagang “unless otherwise, provided by law” ang tatlong probisyon ng Konstitusyon na nagtatakda ng limit sa foreign ownership ng public utilities, educational services at players in the advertising agency.
Batay aniya sa kasunduan nila ni Speaker Martin Romualdez na kaharap si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr, ia-adopt ng Kamara ang naaprubahan ng Senado.
Ngunit kung magpilit ang Kamara na magsulong ng political provisions ay hindi papayag ang Senado at pagnagkataon ay mauuwi sila sa stalemate o hindi na uusad ang charter amendments.
Tiniyak ni Zubiri ng kapag nag-amyenda sila sa Konstitusyon ay hiwalay na magdaraos ng sesyon at hiwalay din na magbobotahan ang Senado at Kamara.
Nanindigan si Zubiri na hindi umano papayag ang Senado sa gusto ng ilan na isanib sila sa Kamara kapag nagsagawa ng Cha-Cha dahil mawawalan ng saysay ang Senado.
Sinabi naman ni Albay Rep. Joey Salceda, target ng mga nagsusulong ng people’s initiative na makapagdaos ng Cha-cha plebiscite sa darating na Hulyo.
Ikinaila ni Salceda na handog ang plebisito para sa idaraos na ikatlong State of the Nation Address (SONA) ni Marcos jr.
“Ay, that’s not the point. The point there is, it has to be reasonably actionable, that there’s enough time before the 2025 elections,”aniya.
Ang kalaban ng timeline na yun is that by October we will be filing already and there is no talk about them going on parallel. Wala .Ang nasa isip lang is that by 2025 there will be an election. Of course it will proceed,” dagdag niya. (ROSE NOVENARIO / NINO ACLAN)