TILA natutuliro na si Sen. Ronald “Bato” dela Rosa kung hahamunin o aamuin ba niya si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa isyu nang pagbibigay ng basbas sa International Criminal Court (ICC) na imbestigahan ang madugong Duterte drug war.
Sa kanyang press conference kahapon sa Senado ay hinamon niya si Marcos Jr. na “magpakalalaki” at abisuhan sila kung pinayagan na ang ICC investigators na pumasok ng Pilipinas para mangalap ng ebidensya at testimonya ng mga testigo sa mga patayang naganap sa Duterte drug war.
Habang sa panayam kay Dela Rosa sa programang Sa Totoo Lang sa One PH kagabi, tila “maamong tupa” na ang tono ng senador at sinabing hihintayin na lang niya ang opisyal na pahayag ng Malakanyang at baka maguluhan pa raw si Marcos Jr. kung makikiusap pa siya.
Nauna nang inihayag ni dating Sen. Antonio Trillanes IV na nagpunta sa bansa ang ICC investigators at tapos na ang isinagawang imbestigasyon kay Duterte at iba pang pangunahing akusado sa kasong crimes against humanity at maaaring lumabas na ang international warrant of arrest laban sa kanila sa ikalawang quarter ng taon.
Sinabi rin ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na walang dahilan para pigilan ang ICC sa pagpasok sa bansa kung wala namang illegal na gagawin sa Pilipinas. (ROSE NOVENARIO)