Wed. Jun 3rd, 2026

Naniniwala si dating Senate President Aquilino “Koko” Pimentel III na hindi muna dapat magdaos ng pagdinig ang bagong Blue Ribbon Committee hanggang hindi pa opisyal na naitatalaga ang mga bubuo nito.

Ayon kay Pimentel, kung kinuwestyon ng dating minority bloc, na ngayo’y majority group, na hindi sila naabisuhan sa idaraos sanang pagdinig bukas ng Blue Ribbon Sub-Committee ni Sen. Rodante Marcoleta, dapat ay huwag nila itong gayahin.

“Yung para bukas, ang objection nga ng dating minority, ng grupo ni Sen. Sotto, hindi pa fully constitute. Tama ‘yun dahil wala pang nominees ‘yung minority noon,” sabi ni Pimentel sa programang Sa Totoo Lang sa One PH.

“Hindi ba ‘yung argumenti na ‘yun, applicable din sa hearing sa Lunes? Wala pang nominees ‘yung minority sa bagong Blue Ribbon Committee?” giit niya.

“Huwag din ituloy ‘yung Lunes. Dapat ganoon.”

Naabutan aniya ng adjournment ng Senado kaya’t kailangan hintayin ang nominees ng minority sa mga committee gaya ng nais na mangyari ng grupo ni Sen. Tito Sotto noong sila ang nasa minorya pa.

“Eh di gawin niyo rin sa sarili niyo ngayon yan. So ganoon lang po ‘yun. Malas lang na ganyan yung facts natin. Syempre, mahirap ang sitwasyan sa Senado. Mabuti nga na-solve nila,” wika ni Pimentel.

“Pero huwag nilang i-solve lahat tapos pati sila na hindi sumusunod sa Senate rules.” # (RRN)

By admin