Sun. Jun 7th, 2026

Sa gitna ng tumitinding tensyon sa loob ng Senado nitong mga nakaraang araw, nanawagan si Senador Erwin Tulfo sa kanyang mga kapwa mambabatas na tapusin na ang hidwaan at ituon ang atensyon sa pagtupad ng kanilang mandato.

Sa isang pahayag, humingi ng paumanhin si Tulfo sa kanyang naging marahas na pananalita laban kay Senador Alan Peter Cayetano at ilang indibidwal, kabilang ang pagbabanta ng pagpapaaresto at pagpapaalis sa plenaryo.

“Hindi po ito ang dapat na asal ng isang opisyal lalo na ng isang senador,” aniya, sabay aminadong dala ng bugso ng damdamin ang kanyang mga naging salita.

“Gayunman, ito ay mali pa rin,” dagdag ni Tulfo, na humingi rin ng kapatawaran sa publiko matapos maantala ang pagpasa ng mahahalagang batas dahil sa bangayan. “Ang mga Pilipino ang tunay na talo dito,” giit niya.

Hinimok ng senador ang kanyang mga kasamahan: “Tapusin na ang pagkakawatak-watak. Kaya trabaho na lang tayo.” Binanggit pa niya na sa labas ng Senado, marami sa kanila ay magkaibigan, magkumpare o magkumare, kaya’t dapat ay ipakita rin ang pagkakaisa sa loob ng institusyon.

Ayon kay Tulfo, ang pagkakaisa ay hindi nangangahulugang pag-atras sa laban, kundi ang pagsasama-sama ng lakas upang protektahan ang sambayanan.

“Sa panahong ito ng pagsubok, itabi natin ang personal na interes. Ipanalo natin ang Pilipino. Magkaisa tayo para sa maibalik ang integridad at tatag ng Senado,” pagtatapos niya. # (RRN)

By admin