Mariing itinanggi ng Arnold Janssen Kalinga Foundation at Program Paghilom ang mga pahayag sa Senado na nag-uugnay kay Rev. Fr. Flavie Villanueva sa umano’y kickback mula sa mga proyekto sa flood control, iginiit na walang SVD parish o ministry sa Mindanao Avenue na tumutugma sa testimonya ng mga umano’y dating sundalo.
Ayon sa mga grupo, walang ebidensiya ang alegasyong naghatid ng sobre ng pera malapit sa isang simbahan at maleta sa “33 Clemente.” “Walang katotohanan at pawang imbento lamang ang mga akusasyong ito,” giit nila, kasabay ng pagtawag dito bilang “malisyoso at mapanirang-puri.”
Si Villanueva, kilala sa kanyang gawaing pangkarapatang pantao at pagtulong sa mga pamilya ng biktima ng war on drugs, ay inilarawan bilang paring naglaan ng buhay sa paglilingkod sa mahihirap at pagtatanggol sa dangal ng mga inaapi.
Binatikos din ng mga grupo ang “paglalantad ng mabibigat na akusasyon nang walang batayan at taliwas sa madaling mapatutunayang mga katotohanan,” at nanawagan ng pananagutan sa mga “sadyang naninira sa ngalan ng testimonya.”
Ang pagdinig na pinangunahan ni Sen. Alan Peter Cayetano ay nag-ugnay rin kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., mga kaanak, at ilang senador mula sa karibal na grupo sa umano’y flood control scheme.
Kaugnay nito, inihayag ni Senate Blue Ribbon Committee Chairman Sen. Erwin Tulfo na imbitado si Villanueva sa isasagawang pagdinig ng komite sa Lune, Hunyo 8 hinggil sa flood control anomaly, gayondin ang ’18 ex-Marines,’ Atty. Levi Baligod, dating Cong. Mike Defensor at iba pang mambabatas. # (ROSE NOVENARIO)