Mariing kinondena ni House Deputy Minority Leader at ACT Teachers party-list Rep. Antonio Tinio ang panukala ni Sen. Robinhood Padilla na ibaba sa 10 taong gulang ang edad ng criminal responsibility, na tinawag niyang “barbaric at lubos na mali.”
Giit ni Tinio, sapat na ang umiiral na Juvenile Justice and Welfare Act na nagbibigay ng mekanismo para sa mga batang nagkakasala, kabilang ang diversion process at rehabilitasyon sa mga pasilidad gaya ng Bahay Pag-asa, imbes na pagkakakulong.
“Ang panukalang ikulong ang mga batang 10 taong gulang ay barbaric. Ito ay sukdulang pagtalikod ng pamahalaan sa tungkulin nito,” ani Tinio, na binigyang-diin na ang ugat ng karahasan sa kabataan ay nakaugat sa kakulangan ng pondo, guidance counselors, overcrowded classrooms, at kakulangan ng psychosocial support.
Dagdag pa niya, ang pagbaba ng edad ng pananagutan ay magpaparusa sa mga batang biktima ng impluwensiya at pang-aabuso ng matatanda, at higit na tatamaan ang mahihirap at marginalized na kabataan.
“Ang mga bata ay nangangailangan ng pag-asa, edukasyon, at pag-aalaga—hindi ng kulungan. Ang accountability ay dapat sa mga matatanda na nang-aabuso at gumagamit sa mga bata, hindi sa mga bata mismo,” pagtatapos ni Tinio. # (RRN)