Maghahain ngayong Biyernes ng reklamong human trafficking ang National Bureau of Investigation (NBI) laban kay dating kongresista Mike Defensor, matapos siyang maiugnay sa isang KTV bar at hotel sa Pasig na umano’y idinisenyo para sa seksuwal na eksploytasyon.
Ayon kay NBI Director Melvin Matibag, isasampa ang reklamo sa Pasig City Prosecutor’s Office nang matuklasan na ang Chicago KTV Bar at Bleu Hotel ay gumagana umano bilang isang “pinag-isang imprastruktura ng trafficking.”
Ipinakita ni Matibag ang mga blueprint ng gusali na may mga sikretong lagusan at binagong fire exits na umano’y ginamit para sa operasyon ng trafficking.
“Lumilitaw na sangkot nga si Mike Defensor sa usaping ito,” ani Matibag, na binigyang-diin na sinadya ang muling pagdidisenyo ng compound.
Dati nang itinanggi ni Defensor ang mga paratang at tinawag itong “politically motivated.” Nauna nang kinasuhan ng NBI ang kanyang asawang si Julie Rose Defensor at anak na si Miguel Gabriel Defensor, na nakarehistro bilang mga may-ari ng establisyimento.
Maghahain din ng reklamo laban sa iba pang opisyal, kabilang ang anak ni Defensor na nagsilbing corporate secretary, at hiwalay na kaso ng solicitation laban kay Lawrence Tan, pangulo ng Wack Wack Golf and Country Club.
Nag-ugat ang kaso sa Abril 21 raid sa naturang KTV bar, na nailigtas ang 54 kababaihan na pinaniniwalaang biktima ng trafficking.# (RRN)