Lumabas sa imbestigasyon ng PNP-CIDG na naiwasan sana ang pagkamatay nina Ateneo student-athletes Rene Baterbonia at Divine Adili kung hindi iginiit ni head coach Tab Baldwin ang mapanganib na training sa karagatan sa Dipaculao, Aurora.
Ayon kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Sec. Jonvic Remulla, irerekomenda nila sa Department of Justice (DOJ) ang case buildup at preliminary investigation kaugnay sa paglabag sa Anti-Hazing Law nina Baldwin at 10 iba pa na kasama sa team-building activity sa Aurora.
“Ang Anti-Hazing Act ay revised na po ‘yan… Ang dati pong iniisip natin, ang hazing ay initiations lamang. Ngunit dito, ang team-building at training ay nag-cross over papunta sa hazing,” ani Remulla sa press briefing.
“Under the law, hazing refers to any act that results in physical or psychological suffering, harm or injury inflicted on a recruit, neophyte, applicant or member,” aniya.
Kabilang aniya rito ang “forced calisthenics and exposure to weather.”
Binigyan diin ni Remulla na noong 2016 ay nag-organisa rin si Baldwin ng parehong aktibidad para sa Blue Eagles sa naturang lugar.
Sinabi aniya ng isang player sa CIDG na dalawa sa kanyang teammates ay muntik nang malunod at isinalba lamang ni Baldwin at ng isa pang coaching staff.
“Fully aware siya (Baldwin) sa mga puwedeng mangyari doon sa Dipaculao,,” sabi ni Remulla.
“This tragedy could have been avoided,” dagdag niya.
Sa team-building activity aniya noong Hunyo 8 ay inamin ng 5 players kay Baldwin na hindi sila marunong lumangoy.
“Noong nalaman niya na hindi marunong lumangoy, binigyan niya ng information kung paano mag-handle ng rip currents… He was of full knowledge that this could happen. Ang mahirap rito, paano mo tuturuan ang hindi marunong lumangoy na mag-handle ng rip current,” lahad ni Remulla.
Magsisilbing sukatan ang aktibidad upang malaman kung sinong mga miyembro ang mapapasama sa final list na isusumite ni Baldwin sa UAAP Board, ayon kay DILG Assistant Secretary Brian Tomas, batay sa resulta ng imbestigasyon ng CIDG.
“The CIDG found that the seawater-based activity constitutes hazing because there is a deliberate intent to cause suffering among players. This is evident in the fact that Tab Baldwin, in his own testimony with the CIDG, admitted that they intentionally chose the dates June 7-12 to coincide with the low tide,” sabi ni Tomas.
Samantala, sa isang kalatas ay inihayag ni Ateneo Spokesperson Fr. RB Hizon, SJ, na iginagalang ng unibersidad ang ang isinagawang imbestigasyon ng CIDG, habang kinikilala rin na may iba pang pagsisiyasat na nagpapatuloy.
Mananatili aniyang nakatutok ang Ateneo sa accountability, student welfare, at pagpapatibay ng mga reporma upang matiyak ang kaligtasan ng komunidad at maiwasang maulit ang naturang trahedya.# (RRN)