Sun. Sep 20th, 2026
Lorraine Badoy-Partosa

Ipinagdiwang ng Alliance of Health Workers (AHW) ang desisyon ng Professional Regulation Commission (PRC) na suspendihin ng anim na buwan si Dr. Lorraine Badoy, tinawag nila itong “bahagyang hustisya” para sa mga health worker at biktima ng red-tagging.

Natukoy ng PRC na si Badoy ay nagkasala ng unethical at unprofessional conduct at pormal na natanggap ng mga nagreklamo ang desisyon noong Hunyo 25, 2026.

Ang kaso ay isinampa pa noong Abril 2022 ng mga health worker na inakusahan si Badoy ng red-tagging sa gitna ng pandemya ng COVID-19.

Ayon sa AHW, pinagtitibay ng desisyon na hindi maaaring gamitin ng mga propesyunal sa medisina ang kanilang awtoridad upang magpakalat ng walang basehang paratang na naglalagay sa buhay ng tao sa panganib.

“This is an initial victory for doctors, nurses, and health professionals who stood up against harassment and abuse of power,” pahayag ng grupo.

Nag-ugat ang reklamo sa mga pahayag ni Badoy noong Abril 2021, nang akusahan niya ang AHW bilang likha ng CPP-NPA-NDF at idinawit ang mga lider nito bilang mga operatiba ng komunista.

“On April 7 and 10, 2021 respectively, Usec. Badoy maliciously implicated AHW as a creation of the CPP-NPA-NDF with the aim of infiltrating the government. She released the said statement on the Facebook page of the NTF-ELCAC,”  ayon sa AHW.

“On April 12, 2021, Usec. Badoy issued a Press Release directly accusing Mr. Robert Mendoza and Mr. Benjamin Santos, former president and former Secretary General of the AHW, as operatives and cadres of the CPP-NPA-NDF,” dagdag ng grupo.

Giit ng mga health worker, inilagay sila sa panganib sa naturang mga pahayag, lalo na’t panahong humihingi sila ng proteksiyon at suporta habang ginagamot ang mga pasyente ng COVID-19.

Bagama’t tinanggap nila ang desisyon, iginiit ng AHW na nagpapatuloy ang laban para sa ganap na pananagutan.

“The six-month suspension falls short of the revocation we sought, but it sends a clear message: red-tagging has consequences,” ayon sa grupo.

Nangako ang AHW na ipagpapatuloy ang aksyon laban kay Badoy at sa iba pang responsable sa pangha-harass at paglabag sa karapatang pantao, binigyang-diin na hindi matatapos ang laban hangga’t hindi ganap na napoprotektahan ang mga health worker. # (ROSE NOVENARIO)

By admin