Sun. Sep 20th, 2026

Nanawagan si ACT Teachers Rep. Antonio Tinio sa Kongreso na magsagawa ng masusing imbestigasyon sa pamamaril sa isang paaralan sa Tacloban City at nagbabala siya na ang mga mabilisan at pabiglang hakbang gaya ng pagpapababa ng edad ng criminal responsibility o militarisasyon ng mga paaralan ay lalo lamang magpapalala sa krisis.

“Huwag nating palampasin ang pagkakataong ito na tukuyin ang tunay na sanhi ng karahasan sa mga paaralan,” diin ni Tinio. “Hindi ito simpleng security failure—ito ay bunga ng mahabang krisis sa edukasyon na dulot ng patuloy na kawalan ng pondo ng pamahalaan sa mental health services sa mga paaralan.”

Binanggit ng mambabatas ang nakababahalang detalye: isang 14-anyos na suspek na naturuan ng pulis na kamag-anak at lumaki sa marahas na tahanan, at isang 15-anyos na nakakuha ng baril mula sa kamag-anak na security guard.

“Given these circumstances, paano makakatulong ang pagbaba ng edad ng criminal responsibility o ang karagdagang militarisasyon ng mga paaralan?”* tanong ni Tinio. “Ang mga bata na ito ay hindi lamang criminal suspects—sila ay biktima ng isang sistema na bumigo sa kanila.”

Inihain ni Tinio ang House Resolution 1157 upang siyasatin ang ugat ng karahasan sa mga paaralan, kabilang ang kakulangan ng 150,000 guro at ang pagkakaroon lamang ng 2,000 guidance counselors para sa 28 milyong mag-aaral.

Bagaman may ₱2.97 bilyon na pondo para sa school-based mental health program, nananatiling kulang ang mga tauhan.

“Permanenteng solusyon ang kailangan natin sa edukasyon, hindi lamang security measures,” giit ni Tinio. “Lowering the age of criminal responsibility will not prevent school violence—it will only criminalize poverty, trauma, and systemic neglect.” # (RRN)

By admin