Sun. Aug 23rd, 2026

Binatikos ng mga guro mula sa University of Santo Tomas (UST) ang pahayag ni Palace Press Officer Claire Castro na nagsabing may ilang titser ang nagtuturo ng kawalang-galang sa kanilang mga estudyante.

Sa ulat ng The Flame, iginiit ng mga Tomasinong propesor, hindi makatarungan ang pag-uugnay ng mga guro sa karahasan sa paaralan, lalo na matapos ang pamamaril sa Ateneo de Zamboanga University.

Si Castro, na nagtapos ng undergraduate at law degree sa UST, ay nagsabing iniutos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga ahensya ng gobyerno na tukuyin kung paano maiiwasan ang kahalintulad na insidente.

Kasabay nito, binatikos niya ang ilang guro na umano’y lumalabag sa pamantayang moral at nagtuturo ng kawalang-galang.

Sa kanyang paskil sa social media, sinabi ni Gemma Aboy, assistant professor sa Theology, “Why blame the teachers for what our young [have] become? Why blame the school for what they have become?”

Habang ayon kay History Associate Professor Tyrone Nepomuceno, “Teachers are parents’ collaborators, not sole burden bearers. Usec. Castro should apologize to teachers…”

Anila, mas malalim ang ugat ng karahasan, simula sa impluwensiya ng pamilya at kulturang politikal, at hindi dapat iatang lamang sa mga guro.

Nagpahayag naman ng suporta ang Catholic Educational Association of the Philippines (CEAP) sa mga guro, na anila’y humuhubog sa kabataan sa akademya at pagpapahalaga.

Nauna rito’y nanawagan ang Alliance of Concerned Teachers (ACT) ng paghingi ng paumanhin mula kay Castro, tinawag ang kanyang pahayag na “reckless.”

Isang araw matapos ulanin ng batikos ay saka lamang inihayag ni Castro ang konteksto ng kanyang sinabi na tumutukoy lamang aniya sa ilang guro na hindi nagbibigay ng mabuting halimbawa, gaya ng guro na naging viral matapos ipasulat sa mga estudyante ang negatibong paglalarawan kay Marcos, at ang video ng mga estudyanteng nagsalita laban sa Pangulo sa Davao City.

Tumangging mag-apologize si Castro sa mga gurong nasaktan ang damdamin sa kanyang unang pahayag at sinisi pa niya ang ACT na mali ang interpretasyon kaya dapat ang organisasyon ang humingi ng paumanhin.

“It’s so convenient isn’t it? Kasi madaling sisihin ang guro kaysa harapin ang mga malalim na problema tulad ng usapin ng violence, access to guns, mental health, poverty, social conditions learning crisis.‘Yan mga kakulangan ninyo ng suporta sa education system at doon natin nakikita kung gaano kababa ang tingin ng gobyerno sa mga guro,” buwelta ni ACT Chairperson Ruby Bernardo.

“We deserve respect. We deserve support. And we deserve an apology,” giit niya.# (ROSE NOVENARIO)

By admin