Thu. Aug 27th, 2026

Mapanganib na iprisinta si dating VPSPG chief Col. Raymund Dante Lachica bilang hostile witness ng prosecution panel sa impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte.

Sinabi ni dating Integrated Bar of the Philippines (IBP) president Domingo Cayosa, kung wala namang hawak na mga dokumento ang prosecution panel na maaaring pagbatayan sa mga sasabihin ni Lachica sa impeachment court, hind maiwawasto ang kanyang mga pahayag sakaling magsinungaling ito o paiwas ang mga sagot o kuwento.

“Maaaring kailangan, kaya lang it is also risky for the prosecution mag-tatawag ng kung sino-sinong witnesses, kung wala naman silang control sa kanilang sasabihin at wala silang ibang ebidensiya o dokumento na iwasto yung kanyang sinasabi, kung sinasakaling evasive siya, nagsisinungaling, o kaya iba ang kaniyang kinukwento,” ani Cayosa sa programang Sa Totoo Lang sa One PH.

“Siguro naghihintay muna sila na meron mahawakang mga dokumento that will canalize or help restrain yung testimonya or yung tendency ng hostile (witness),” dagdag niya.

Kailangan aniyang magkaroon ng pangsangga ang prosecution sakaling iba o hindo totoo ang sasabihin ni Lachica.

Para kay Cayosa, mas makabubuting huwag nang isali si Lachica ng prosecution sa listahan ng kanilang mga ihaharap na testigo.

“I think they are weighing that risk. Kung meron naman silang mai-piprisenta na ibang witness, whether hostile or not to prove the same point, it will be more prudent na wag nilang isali tong si Colonel Lachica at they will rely on many other more component or more controllable witnesses in the sense na meron silang ibang ebidensiya pag hostile witness ito, para panatilihin siya doon sa katotohanan,” paliwanag niya

Matatandaan sa testimonya ni dating OVP special disbursing officer Gina Acosta ay inamin niya na sa utos ni VP Sara ay ibinigay niya ang P500-M confidential funds kay Lachica at walang ni isang official receipt na isinumite ito bilang patunay sa mga ginastos  at pawang acknowledgement receipts lamang sa katuwiran na “confidential at sensitive” ang mga impormasyon. # (ROSE NOVENARIO)

 

By admin