Hindi bababa sa apat na parsela ng ilegal na ni-reclaim na lupain sa Taguig City ang natukoy na may “fraudulent” na titulo habang hindi bababa sa apat pang parsela ang walang plotted titled lots base sa digital file ng Land Registration Authority (LRA), sinabi ni Sen. Panfilo “Ping” M. Lacson nitong Sabado.
Isinapubliko ni Lacson ang detalye ng mga unang natuklasan upang pabulaanan ang mga pahiwatig na “fake news” ang kanyang unang isiniwalat tungkol sa illegal reclamation sa Taguig City.
“Since Sen. (Alan Peter) Cayetano keeps publicly asking for evidence, I’ll give it to him, in the spirit of public interest,” aniya sa kanyang X account.
Ani Lacson, kabilang sa apat na parsela na may “fraudulently” na titulo, na idiniin niya ay “NOT FAKE NEWS,” ang:
(a) isang sakop ng Administrative Patent, na may lawak na 9,204 metro kuwadrado at may Original Certificate of Title (OCT);
(b) isang sakop ng Judicial/Ordinary Land Registration Processing, na may lawak na 5,000 metro kuwadrado at may OCT;
(c) isang sakop ng Homestead Patent, na may lawak na 181,077 metro kuwadrado at may Transfer Certificate of Title (TCT); at
(d) isang parsela na may lawak na 193,027 metro kuwadrado at may TCT.
Hindi muna inilabas ang ilang detalye, kabilang ang mga pangalan ng pinagkalooban ng mga titulo, gayundin ang mga numero ng OCT at TCT, habang hindi pa tapos ang imbestigasyon.
“All of these will likewise be turned over to the Ombudsman fact-finding team for their further appropriate action,” aniya sa X.
Nauna nang sinabi ni Lacson na sinusuri ng LRA ang pinagmulan at kasaysayan ng ilang bagong nadiskubreng titulo ng lupa na sumasaklaw sa humigit-kumulang 38.83 ektarya ng mga ilegal na ni-reclaim na lugar sa bahagi ng Laguna Lake na sakop ng Taguig City.
Batay ang mga nadiskubreng titulo ng lupa sa mga materyales na ibinigay ng Philippine Reclamation Authority (PRA) sa tanggapan ni Lacson.
“I requested the LRA to backtrack the history of the issued OCTs (original certificates of title) and other modes of titling, so we will find out how they were manipulated with the end in view of filing criminal charges against those responsible,” ani Lacson, at idinagdag na maaaring ideklarang void ab initio ang mga naturang titulo kapag nagpasimula ang PRA ng forfeiture proceedings alinsunod sa batas.
Nauna ring sinabi ni Lacson na ilang crates ng mga dokumento mula sa Department of Public Works and Highways (DPWH) na may kaugnayan sa mga maanomalyang proyekto sa Taguig City ay itatakda ring i-turn over sa Office of the Ombudsman.#