Sun. Aug 30th, 2026

Matinding pangamba at galit ngayon ang namamayani sa mga Person Deprived of Liberty (PDL) sa Correctional Institution for Women (CIW) matapos mabatid na tuluyan nang “naubos” ang pera sa kanilang Trust Fund at cashless system.

Sa halip na ibalik ang nawawalang pondo, mas hinigpitan pa ng Bureau of Corrections (BuCor) ang limitasyon sa pag-withdraw, ayon sa kalatas ng mga PDL.

Anila, noong nakaraang linggo, isang beses lamang pinayagang mag-withdraw ang mga bilanggo.

Nitong Agosto 27, napilitan lamang anilang magpa-withdraw ang mga empleyado matapos magtipon-tipon at magprotesta ang mga PDL sa inner court ng pasilidad.

Sinabi sa kalatas na ayon mismo sa mga empleyado ng CIW, wala nang laman ang Trust Fund. Idineklara ng pamunuan na ang mga perang pumasok lamang mula Agosto 19 ang maaaring i-withdraw.

Ibig sabihin, maging ang mga depositong natanggap mula Hulyo 29 hanggang Agosto 18 ay nagamit at naglaho na rin—bukod pa ito sa unang pitong milyong pisong naulat na nawawala.

Naantala rin anila nang halos isang linggo ang mga padala sa LBC para sa mga bilanggo.

Isiniwalat nil ana kasabay ng krisis sa pananalapi, sumisipa naman ang presyo ng mga bilihin sa loob na kontrolado ng BuCor.

Pinakamalubhang apektado ang mga maysakit na PDL na walang pambili ng gamot, pati na ang mga bilanggong nais sanang magpadala ng tulong sa kanilang mga pamilyang sinalanta ng bagyo.

“Hindi mga bilanggo ang may pulang marka sa laki ng violation dito sa loob ng Correctional kundi ang Institusyon mismo,” pahayag ng mga PDL. “Reformation ang programa ng gobyerno… ngunit ang unang-unang dapat i-reform at baguhin ay ang ganitong bulok na sistema ng panloloko,” giit ng mga PDL.

Nananawagan ngayon ang mga PDL sa Kongreso at Senado na kagyat na imbestigahan ang tila “ghost project” na korapsyon sa CIW, buwagin ang Trust Fund, at ibalik ang kanilang pinaghirapang pera. # (ROSE NOVENARIO)

By admin